Gustong isipin ng mga sumusubaybay ng The Voice Kids na nagpabaya ang fans ni Sarah Geronimo nang ni isa man ay walang pumasok sa mga hinasa niya sa grand finals ngayong Sabado at Linggo (August 29 and 30) ng nasabing pa-contest. Nagulat ang mga manonood ng programa dahil sa first season ng The Voice Kids ay nag-champion ang alaga ni Sarah na si Lyca Gairanod.
Maski ang runner-up na si Darren Espanto ay bahagi rin ng Team Sarah. Walang kandidato si Lea Salonga dahil ang third placer na si Juan Karlos Labajo ay miyembro naman ng Camp Kawayan.
Gaano man pakaiwasan ay hindi matapus-tapos ang sinasabi ng mga coach ng The Voice Kids na iwasan ang pagbibigay ng sympathy votes at sa halip ay talent sa pagkanta ang gawing pangunahing criteria ng mga boboto. Siyempre inaasahan na mamayani ang mga kandidato ni Sarah dahil sa napakaraming Popsters na puwedeng sumuporta
Nakapagtataka lang na mukhang tinamad ang mga tagasubaybay ni Sarah dahil nga ni isang kandidato niya ay hindi nakapasok sa finals. Pero hindi rin maiwasan na mag-isip ang mga manonood dahil with Sarah’s kids out of competition, baka hindi na rin sumali ang fans niya sa grand finals. Tsk. Tsk. Tsk.
Fans nataranta nang hindi agad nagpakita si Luis sa The Voice...
Masayang malaman na patuloy na magsisilbing host si Luis Manzano sa The Voice Kids. Wala ito sa unang araw ng semi-finals kung kaya nag-alala na ang mga manonood ng pinakapaboritong amateur singing contest para sa mga bata na baka nag-resign na siya.
Pero nagbalik ang kasiyahan ng manonood nang makita siya sa ikalawang round ng performances ng anim na semi-finalist, kaya lamang masyado niyang ibinitin ang pagsasabi ng mga pangalan ng apat na pasok sa grand finals.
Kahit ano pa ang sabihin ng marami, kenkoy si Luis. Marunong siyang magpasaya ng manonood, even at his own expense. Pati pagkanta at pagsayaw na hindi niya forte ay nakapagdudulot ng aliw sa mga manonood. Mabuhay ka, Luis!
Ryzza Mae natabunan na rin ng tambalang AlDub
Mukhang sa pagtuon ng pansin ng EB kina Alden at Yaya Dub ay napabayaan at nakalimutan na nila si Ryzza Mae Dizon na mabuti at hindi nai-insecure, bagkus ay nahawa na rin sa AlDub phenomenon na nagaganap sa kasalukuyan.
Tanong ng maraming followers ni Aleng Maliit ay kung kailan na ba magsisimulan ang serye nila ni Aiza Seguerra na papalit sa The Ryzza Mae Show. Oo nga, kailan ba?
Lovi at Rocco nagpi-PDA na kahit sa set
Kapansin-pansin ang agad na pagiging close sa isa’t isa ng cast ng Beautiful Strangers kahit first time lang nilang magkasama-samang lahat sa iisang programa. Kahit nga ang magkarelasyon na sina Lovi Poe at Rocco Nacino ay mas lalo pang naging sweet at showy ng affection sa isa’t isa tuwing magkasama sila sa taping. Kaya’t lalong kilig na kilig ang kanilang fans at supporters tuwing nagpo-post sila ng photos sa kanilang Instagram accounts.
Enzo nag-tree planting nung birthday
Nag-celebrate si Enzo Pineda ng kanyang birthday sa pamamagitan ng isang tree planting activity sa Lumban, Laguna sa tulong ng Haribon Foundation. Kakaibang fulfillment naman daw ang naramdaman ng Kapuso actor dahil nagawa niyang yayain ang kanyang fans na suportahan din ang kanyang advocacy para sa ating kalikasan.