Malaki ang posibilidad na kasama sina Alden Richards at Maine Mendoza sa pelikula nina AiAi delas Alas at Vic Sotto na official entry sa Metro Manila Film Festival.
May movie contract si Alden sa APT Entertainment Inc. at contract star si Maine aka Yaya Dub ng APT na co-producer ng AiAi-Vic kaya malaki ang tsansa na ka-join ang Aldub loveteam sa pelikula na wala pang title at malapit nang magsimula ang shooting.
Sure naman na nagkita na sina Alden at Yaya Dub sa KalyeSerye nila sa Eat Bulaga bago pa umpisahan ang shooting ng AiAi-Vic movie.
Papa Joey, miss na miss na ako!
Joke lang ang tweet kahapon ni Joey de Leon na “Ang IM-PASTOR kanina sa Yakie wedding na nang-scam ay si Pastor Lolito Solis, asawa ni Lolita. Gets?”
Walang katotohanan ang tweet ni Papa Joey dahil type lang niya na paglaruan ako at i-goodtime ang kanyang mga follower.
In fairness to me, hindi ko kilala ang fake na pastor na nagkasal kahapon kina Yaya Dub at Frankie ‘no!
Gawa-gawa lang ni Papa Joey ang name na Lolito Solis dahil miss na miss na niya siguro ako!
Utang na loob, matagal na akong walang lovelife ‘no! Sa edad kong ito, hindi na ako naghahanap ng inspirasyon dahil maligaya na ako sa pagiging single! Ayoko na ng mga kunsumisyon.
Happy na naman si Papa Joey at ang lahat ng mga involved sa Eat Bulaga dahil gumawa na naman kahapon ng record ang kanilang show.
Lampas sa 1.5 million ang tweets tungkol sa kasalan na nangyari kahapon pero fake naman pala. Pati ang mga kababayan natin na nasa ibang bansa, nakaabang sa Internet para mapanood agad nila ang mga kaganapan sa eklay na pagpapakasal nina YaKie (Frankie at Yaya Dub).
Mga anak ni Sen. Chiz hindi alipin ng gadgets
Matagal nang hindi nakakahawak ng gadgets ang mga anak ni Senator Chiz Escudero dahil nahihilig ang mga bagets sa pagbabasa ng mga libro.
Proud na proud si Papa Chiz sa kanyang mga anak na sina Joaquin at Cecilia dahil hindi sila katulad ng ibang mga bata na alipin ng modern technology at sari-saring gadgets.
Saksi ang misis ni Papa Chiz na si Heart Evangelista sa bawat gabi na sinasamahan niya sina Joaquin at Cecilia sa pagbabasa ng mga libro na pambata.
“Hangga’t maaari, gusto kong umuwi nang gising pa sina Joaquin at Cecilia para masamahan ko sila sa pagbabasa ng mga libro bago matulog, isang bagay ‘yan na hindi ko ginawa noong lumalaki ako kaya gusto kong maranasan nila,” ang sey ni Papa Chiz.
“Ang sarap pala ng feeling na nakikita mo na nag-e-enjoy ang mga bata sa pagbabasa. Ilang araw nang nagbabasa lang kami hanggang antukin sila.”
Ang pagbabasa ng Hardy Boys books ang hilig ni Joaquin at favorite books naman ni Cecilia ang mga adventure ni Nancy Drew.
Nabili ni Papa Chiz ang complete set ng Hardy Boys at Nancy Drew noong mga paslit at hindi pa marunong magbasa ang kanyang mga anak.
“Matagal na ‘yon. Inipon ko talaga ang mga libro para sa kanila para kapag handa na silang magbasa, meron kaming mababasa.
“’Yung dining table namin, it doubles as a study table ng mga anak ko kaya nandoon ang mga gamit nila, pero kapag dinner time, doon na rin kami kumakain,” ang proud revelation ni Papa Chiz na isinusulong na mabuti ang pagbabasa ng mga bata ng libro.