In full force ang pamilya at mga kaibigan ni Movie Queen Susan Roces sa pagdalo sa red carpet press launch ng malapit nang magsimulang teleserye ng Kapamilya Network, ang Ang Probinsiyano na ginanap sa Cinema 7 ng Trinoma last Thursday (Aug. 20) evening at itinaon sa ika-76th birthday ng yumaong Movie King na si Fernando Poe, Jr. (FPJ).
Bukod kay Susan at bumubuo ng cast ng Ang Probinsiyano TV series na pinagbibidahan ni Coco Martin, naroon din ang kanyang senator daughter na si Sen. Grace Poe-Llamanzares kasama ang mister na si Neil Llamanzares at mga anak, mga kaibigan na sina Manay Ichu Vera-Perez-Maceda, Betchay Nakpil, TAPE, Inc. executive and talent manager Malou Choa-Fagar, talent managers Shirley Kuan, Dolor Guevarra, June Rufino at iba pa maging ang ABS-CBN executives na sina Cory Vidanes, Direk Laurenti Dyogi, Chit Guerrero, Dreamscape Television Productions na pinamumunuan ni Deo Endrinal.
Naroon din ang ibang mga Kapamilya stars para suportahan ang premiere launch ng Ang Probinsiyano tulad nina Richard Yap, Dawn Zulueta, James Reid, Julia Montes at maraming iba pa.
Natitiyak naming masaya si FPJ sa kanyang kinaroroonan ngayon dahil kahit matagal na siyang namayapa ay nanatili pa ring buhay sa mga manonood ang kanyang mga naiwang pelikula at legacy nung siya’y nabubuhay pa.
Mag-iiba naman ang panlasa ng televiewers kapag napanood nila ang Ang Probinsyano dahil bukod sa drama ay hitik ito sa action na siyang tatak ng mga pelikula na ginawa noon ni FPJ.
Kung muling mauuso ngayon ang mga action movie, tiyak na papasa si Coco bilang action star base na rin sa mga ipinakita niya sa kanyang pinakabagong serye na malapit nang matunghayan ng televiewers.
Speaking of Coco, kapansin-pansin ang pagiging supportive ni Julia Montes sa mga proyekto ni Coco na naging leading man niya sa ilang proyekto tulad ng hit TV series na Walang Hanggang, sa pelikulang A Moment In Time at sa special summer episode ng Wansapanataym Presents: Yamishita’s Treasures.