MANILA, Philippines - Mahigit 150 million pesos pala ang nagastos sa pelikulang Felix Manalo, na ipalalabas sa mga sinehan simula sa October 7 sa ilalim ng direksyon ni multi-awarded Joel Lamangan.
Tampok ang versatile actor-singer na si Dennis Trillo sa papel ni Ka Felix Manalo, ang unang Executive Minister ng Iglesia ni Cristo at Bela Padilla bilang si Honorata, ang butihing maybahay ni Ka Felix. Ang nasabing monumental film ay nagte-trace sa pinagmulan ng INC church mula sa humble beginnings nito nung 1914 hanggang sa kasalukuyang panahon.
Masusi nitong sinasalamin ang buhay ni Ka Felix mula sa kanyang kapanganakan noong taong 1886 hanggang sa kanyang pagyao noong 1963.
Fifty-seven days tumakbo ang shooting sa loob ng pitong buwan.
Ang kanilang ginawang extensive research, sa pakikipag-ugnayan at pakikipagtulungan sa Iglesia ni Cristo, ay makikita rin sa elaborate production sets at costumes na nagbigay-buhay sa specific time periods sa istorya na talaga namang kahanga-hanga base sa trailer na ipinapanood nila kahapon sa entertainment press.
Ayon kay Mr. Vincent del Rosario ng Viva Films, line producer ng pelikula, ang Felix Manalo ay hindi lamang tungkol sa Iglesia ni Cristo dahil tinatalakay din dito ang mga hirap at pagsubok na pinagdaanan ni Ka Felix sa buhay.
Ipakikita rin umano rito kung paano nalagpasan ng isang ordinaryong tao ang iba’t ibang hamon sa kanyang matibay na paniniwala at pagmamahal sa Diyos.
Masasabing ang Felix Manalo movie ay isang love story - love story sa pagitan ng Diyos at Kanyang nilalang, sa pagitan ni Ka Felix at ng kanyang kabiyak na si Honorata at sa pagitan ni Ka Felix at ng Iglesia ni Cristo.
Dito ay makikilala ng moviegoers si Ka Felix bilang isang normal at ordinaryong tao – isang responsableng asawa at mapagmahal na ama.
Katulong ni Direk Joel sa pagbuo ng pelikula ang ilang topnotch at respetadong production people sa bansa, gaya ng director of photography na si Rody Lacap, costume designer na si Joel Marcelo Bilbao, production designer na si Edgar Littaua, Danny Red para sa set design and construction, musical director na si Von de Guzman at sound engineer na si Albert Michael Idioma.
Mahaba rin ang listahan ng mga artistang sumusuporta kina Dennis at Bela, tulad na lamang nina Phillip Salvador, Lorna Tolentino, Gabby Concepcion, Richard Yap, Mylene Dizon, Yul Servo, Alfred Vargas at marami pang iba.
Ayon pa kay Mr. del Rosario, ito na ang pinakamalaking pelikulang nagawa ng Viva Films sa halos 700 films na nagawa ng kanilang kumpanya.
Sinabi naman ni Direk Joel sa dinami-rami ng artistang kasama sa pelikula, walang kahit isang naging problema sa shooting nila. Lahat umano ay nagtrabaho. “Wala akong naging problema kahit sa budget. Basta ipinaliwanag mo na kailangan ng malaking pera sa ilang eksena, hindi na sila nagdalawang-isip pang ibigay ‘yon.”
Mula bata hanggang tumanda sina Ka Felix at Honorata ang ginampanang role nina Dennis at Bella kaya aminado silang ito na talaga ang pinakamalaking pelikulang nagawa nila. Marami rin silang natutuhan habang ginagawa ito. “Lahat ng pinangangaral nila ay hindi galing sa kanilang relihiyon. Talagang nakabase po lahat sa Bibliya lahat ng paniniwala at pinangangaral nila,” pahayag ni Dennis.
Ayon naman kay Bela, na-inspire sila sa pinagdaanan ng mag-asawang Manalo para sa pagpapalaganap ng magandang balita sa marami.
“I really think dapat panoorin ng tao. Hindi naman siya religious movie lang. It’s an inspiring movie of a person who believe in something, tapos, pinaglaban niya. Feeling ko ‘yun ang kailangan ng tao ngayon. Kailangan natin ng role model.
“Ako, personally, hindi ako Iglesia ni Cristo member pero masasabi kong na-inspire ako nina Ka Felix at Ka Ata kasi ang dami nilang pinagdaanan eh. ‘Yung determination ni Ka Felix at ‘yung support ni Ka Honorata sa kanya.
“Ang ganda! Ang lakas ng paniniwala nila!” pahayag ni Bela.
Kinonsider si Kathryn Bernardo na makasama sa pelikula dahil isa siyang INC member. Pero ayon kay Direk Joel, hindi swak sa schedule ng Kapamilya actress ang schedule nila ng shooting. Ayaw daw nilang maghintay ng tatlong buwan.
Klinaro naman ni Direk Joel na kaya hindi kasama si Nora Aunor sa pelikula ay dahil walang role na babagay sa Superstar.