Madaling maka-move on ang isang popular na female personality. Kahit anong klase ng problema ay carry niya. Kahit pagkawasak ng puso ay walang-wala sa kanya. Napakabilis niyang makalimot.
Pero isang kilalang male personality ang nagbigay ng problema sa sikat na babaeng personalidad. Siya ang gumawa ng dahilan para matapos ang ilang taon din nilang relasyon pero siya rin nu’ng bandang huli ang naghahabol sa aktor.
Kung anu-anong masasakit na salita ang ibinato ng pamosong babaeng personalidad laban sa kanyang ex. Hindi naman kumikibo ang lalaki, tinanggap lang nito ang lahat-lahat ng mga salitang ipinatungkol sa kanya ng babae, hanggang sa isang araw.
Gumawa ng script ang babae. May sakit daw siya, hindi raw makatayo, tinawagan niya ang dati niyang karelasyon para dalawin siya.
Nagdrama ang female personality, nilambing-lambing niya ang aktor para lang puntahan siya, pero walang nangyari sa kanyang halatadong pagdadrama.
“Hindi siya pinuntahan ng guy, kung anu-anong dahilan ang ibinigay sa kanya, inis na inis ang girl dahil napahiya siya. Mahirap na raw, sabi nu’ng lalaki, baka kapag nandu’n na siya sa house ng girl, e, kung anu-ano na namang kuwento ang ipagkalat tungkol sa kanya,” pagdudugtong sa kuwento ng aming source.
Greatest love kuno ng popular na female personality ang kilalang aktor na pamilyado pa nang pumasok sa eksena ang popular na aktres. Naki-triangle siya, ganern ang kuwento, hanggang sa siya mismo ang gumawa ng paraan para magkahiwalay sila.
“Hindi lahat ng tao, e, kaya niyang bilhin. Hindi lahat ng bagay, e, makukuha niya. Na-challenge siya sa ex niyang ‘yun dahil hindi nagpauto sa kanya. Ganern!” sabi pa ng aming impormante.
Ubos!
TAPE hindi inakalang kakagatin ang AlDub
Kumabilang-bakod na ang kuwento mula sa Dos hanggang sa Siyete. Ilang mapagkakatiwalaang impormante ang naglabas ng isyu na hindi na malaman ngayon ng produksiyon ng It’s Showtime ang kanilang gagawin dahil nitong mga nakararaang linggo ay lamon na lamon sila sa rating ng Eat Bulaga.
Dati kasi ay hindi lumalayo ang rating nila sa mahigit na tatlong dekada nang noontime show, pero nang ipanganak ang AlDub loveteam ay parang pinagtampuhan na sila ng kapalaran, habang tumatakbo ang kalaban ay para naman silang gumagapang.
Panahon ngayon ng AlDub. Walang makakakuwestiyon sa lagnat ng bayan na ibinibigay ng tambalan nina Yaya Dub at Alden Richards. Mas nadagdagan pa ang interes ng bayan ngayon kay Wally Bayola at sa nagpapanggap na mayaman sa kalyeserye na si Jose Manalo bilang sina Lola Nidora at Frankie Arenolli.
Penomenal ang pagsikat ng AlDub. Dumating ‘yun sa isang puntong kahit ang mga taga-TAPE, Inc. ay hindi nag-akalang kakagatin ‘yun nang todo ng publiko. Lalong hindi inasahan ng mga taga-It’s Showtime na ang tambalan palang ‘yun ang magtutulak sa kanila sa kangkungan.
Pero dapat nilang tanggapin na nangyayari talaga nag paghahanap ng bago ng manonood. Naghahanap na ng bagong kaaaliwan at papalakpakan ang publiko. May mawawala talaga at may bagong papalit.
Human nature ‘yun, natural phenomenon, may kailangang magpaalam at may bago namang magpapakilala. Perpekto ang tayming ng AlDub.
Sumulpot ang kanilang tambalan sa isang tiyempong kailangan na ng bagong putaheng mas magpapasarap sa pananghalian ng mga Pinoy. Ang AlDub ‘yun.
At isang patotoo rin ito na walang kasiguruhan ang trabaho sa telebisyon. May hangganan ang lahat. Kapag naabot mo na ang ituktok ay wala ka nang ibang pamimilian kundi ang pagdausdos pababa.