Hindi umuwi nang luhaan ang mga reporter dahil satisfied sila sa mga sagot ni Manang Inday tungkol sa anak na si Senator Grace Poe.
Kung ano ang gustong marinig ng press, ibinigay ni Manang Inday kaya maligayang-maligaya sila.
Hinangaan si Manang Inday nang magsalita siya noon sa kinahinatnan ng presidential bid ni Kuya Ron (Fernando Poe, Jr.) pero nadoble ang paghanga sa kanya ng mga miyembro ng media dahil sa mga pahayag niya kahapon tungkol sa mga intriga at isyu na ibinabato kay Mama Grace.
Teary-eyed si Manang Inday nang sagutin niya ang isyu ng pagiging ampon ng kanyang anak at agree ako sa lahat ng mga sinabi niya. Nanay rin ako kaya naka-relate ako sa nararamdaman ni Manang Inday.
“Never ko siyang (Senator Grace) tinawag na ampon, lalong never never ko siyang tinawag na pulot.
“How dare they use that word! Grace is our daughter. Nakakabit pa ang pusod niya nu’ng siya ay matagpuan sa simbahan ng Jaro, kukuwestyunin nila kung citizen siya ng bansang ito?
“Hindi ko alam kung ano ang pamantayan nila binale-wala nila ang paggamit niya ng pangalan ng kanyang ama, Ronald Allan Poe at ng aking pangalan Jesusa S. Poe nu’ng siya ay nag-fill up ng application ng candidacy.
“Bakit? Ano ang karapatan nila na iwalang-bisa ‘yung ipinaglaban namin sa korte para magkaroon siya ng tunay na birth certificate?
“Maliit na bata si Grace noon. Itinadhana ng Panginoong Diyos na kami ay magkakasama. Itinuturing ko na mapalad ako. Napakapalad ko dahil biniyayaan kami ng anak ng Panginoong Diyos.
“Oo siya’y natagpuan sa simbahan. Sabi ko nga sa anak ko, anak mabubuti ang mga tao, kung sino man sila dahil hindi ka nila itinapon sa basura, sa bahay ka ng Panginoong Diyos inilagak. Salamat at pinagtagpo ang ating landas dahil ipinanalangin ko sa Diyos na magkaroon ako ng anak at dinescribe ko ang hitsura niya.
“Sabi ko na may mga matang katulad mo na nagniningning, may kulot na buhok na katulad ko. Ngayon, basta-basta na lang na may darating at sisirain ang lahat?
“Wala silang karapatan na duru-duruin ang anak ko at tawaging hindi citizen ng bansang ito.
“‘Yang pakiramdam na ‘yan ay hindi lamang nararamdaman ng isang ina na tao. Kahit hayop, nasasaktan kapag minamaliit o hindi ginagawan ng tama.
“Pagmasdan ninyo ang kilos ng askal. Hindi na ‘yung mga high breed na aso, askal. Makikipaglaban ng patayan sa pagtatanggol, huwag mong mahipo-hipo ang mga tuta ng bagong panganak na inahin na aso. Sasakmalin ka nila,” ang sey ni Manang Inday na nananatiling matatag sa gitna ng mga kontrobersya na ipinupukol sa kanyang “presidentiable” na anak.
Trapik sa EDSA forever na
Kung hindi dahil kay Manang Inday (Susan Roces), hindi ako darayo sa five star hotel sa Mandaluyong City na pinagdausan kahapon ng contract signing nila ng sabon na Champion dahil sa overacting na trapik sa EDSA.
Ayoko na sanang mag-emote tungkol sa EDSA traffic dahil bahagi na ito ng pang-araw-araw na pamumuhay ng mga residente ng Metro Manila pero hindi ko talaga mapigilan ang sarili ko. Nakakaloka na talaga ng traffic situation sa EDSA na parang wala nang kalutasan.
Mabuti na lang, lumigaya ako sa presscon ng Champion dahil sa loot bags na ipinamigay. Kaligayahan ko na ang makatanggap ng Champion laundry soap dahil ito ang paborito namin ni Manang Inday. Hindi masakit sa kamay ang sabon na siyam na taon nang ini-endorso ni Manang Inday at very generous ang manufacturer sa pamimigay ng iba’t ibang klase ng produkto ng kanyang kompanya.