Grace ayaw tantanan ng mga kalaban, Susan magsasalita na!
Hindi na talaga tinatantanan si Senator Grace Poe ng detractors niya dahil sinampahan uli siya kahapon ng panibagong reklamo, ang electoral offense na idinulog sa COMELEC ng isang talunan na senador na kumandidato noong 2013.
Ayaw talagang lubayan si Mama Grace ng mga nababahala sa balita na tuloy na tuloy ang pagkandidato niya bilang presidente sa 2016 elections.
Sa rami ng mga paninira at isyu na ibinibintang kay Mama Grace, nananatiling tahimik ang kanyang nanay, ang Queen of Philippine Movies na si Susan Roces.
Nasasabik na ang taumbayan sa reaksyon ni Manang Inday tungkol sa mga paninira sa kanyang anak. Hindi na matatagalan ang ipaghihintay ng mga tagahanga at supporters ng mag-ina dahil magsasalita na si Manang Inday sa isang “Tapatan”. Excited na ako at ang lahat sa mga sasabihin at sagot ni Manang Inday sa detractors ng kanyang anak. Bukas ko na ibabahagi sa inyo ang mga pahayag ni Manang Inday na makakausap ko ngayon.
Mar ikinumpara ang sarili sa AlDub
Kinumpirma kahapon ni DILG Secretary Mar Roxas ang meeting nila ni Senator Grace Poe.
Ikinuwento ni Papa Mar na inalok nito nang pormal si Mama Grace para maging running mate niya sa eleksyon sa susunod na taon.
Ikinumpara ni Papa Mar sa AlDub nina Alden Richards at Yaya Dub ang sitwasyon nila ni Mama Grace. Ang sey niya, “Parang si AlDub lang ‘yan. Hashtag may tamang panahon. So mangyayari ‘yan sa tamang panahon.”
Confirmed na sinusubaybayan din ni Papa Mar ang love story ng AlDub loveteam dahil sa kanyang pralala.
Thyro Alfaro at Yumi Lacsamana kailangan ng local music industry
Ang singing duo nina Thyro Alfaro at Yumi Lacsamana ang grand prize winners sa Philpop 2015 finals night na ginanap noong July 25 sa Meralco Theater.
Ang dalawa ang nagsulat at interpreters ng kanilang award-winning song na may pamagat na Triangulo. Sila rin ang nanalo noon sa Philpop 2013 para sa kanta na Dati na inawit nina Sam Concepcion at Tippy Dos Santos.
Real life couple sina Thyro at Yumi na nag-uwi ng Ramon Orlina trophy. Maligayang-maligaya ang mag-dyowa sa kanilang hindi inaasahan na tagumpay. “Every single time we enter a competition, we make it a point to outdo ourselves. It is true for ‘Triangulo.’ Mas mahirap ang dinaanan namin putting together this song kaya mas masarap sa pakiramdam,” ang nasa Cloud 9 na pahayag ni Yumi.
Nagdeklara sina Yumi at Thyro na pahinga muna sila sa pagsali sa mga singing contest sa susunod na limang taon dahil dalawa na ang kanilang Ramon Orlina trophies.
Marami ang nanghinayang sa desisyon ng magdyowa dahil talented sila at ang mga kagaya nila ang kailangan ng local music industry.
First runner-up sa Philpop 2015 ang talent ni Ogie Alcasid na si Davey Langit na nagsulat at umawit ng Paratingin Mo Na S’ya.
Hindi makapaniwala at tuwang-tuwa si Davey dahil sinabayan ng audience ang pagkanta niya.
Third place sa Philpop 2015 si Mark Villar, ang writer-composer ng Sa Ibang Mundo na inawit nina Kean Cipriano at Nadine Lustre.
Instant favorite ng Meralco audience ang Sa Ibang Mundo kaya ito ang winner ng Spinnr’s People’s Choice Award.
Sa kauna-unahang pagkakataon, nagbigay ang Philpop 2015 ng Best Music Video award sa isang finalist, si Johannes Garcia ang composer ng Edge of the World na kinanta nina Yassi Pressman at Josh Padilla.
- Latest