MANILA, Philippines - Ang mga pagsubok ay dumarating sa ating buhay, hindi para tayo ay wasakin kundi para tayo ay patatagin. Para sa karamihan ng pamilyang Pilipino, ito ang nagpapatibay sa samahan at pagmamahalan ng bawat isa, lalo na kung dahil sa isang masaklap na pangyayari, sila ay napawalay sa isa’t isa.
Ngayong Sabado (Agosto 15) sa Magpakailanman, tunghayan ang kwento ng mag-inang Jemielyn at Daniel at ang kanilang pakikipagsapalaran para sa isang bata na nakilala natin bilang si Frederico sa pamamagitan ng nag – viral na video sa social media.
Natunton ng GMA News ang ina ng batang si Frederico, na nasa viral photo na kumalat sa mga social media sites dahil sa kalunos-lunos niyang hitsura na halos buto’t balat habang nasa pangangalaga ng isang shelter sa Maynila.
Dahil sa hirap ng buhay napapayag ng batugan at nambubugbog niyang asawa na si Robert si Jemielyn na ipaampon sa Hospicio De San Jose ang isa sa Special Child niyang anak na si Embet.
Ito’y sa kabila ng mahigpit na pagtutol ng panganay niyang anak na si Daniel.
Pero kalaunan ay nalaman niya ang katotohanan nang tawagan niya ang ampunan at makumpirmang hindi ipinasok doon ng dating asawa ang kanilang anak at iniwan lang pala sa kalsada na humantong sa shelter sa Maynila.
Ikukwento nina Jemielyn at Daniel kung paano nawalay sa kanila ang bata, ang mga hirap na tiniis nila sa malupit at nananakit niyang asawa at kung ano ang naramdaman nila nang malaman ang sinapit ni Frederico.
Itinatampok sina Gina Alajar bilang Jemielyn, Elmo Magalona bilang (adult) Daniel, Nonie Buencamino bilang Robert, Ash Ortega bilang (adult) Mimay, Barbara Miguel bilang Carla, Elijah Alejo bilang (young) Mimay, Carl Acosta bilang (young) Daniel, Zymic Jaranilla bilang Embet, Johnny Regana bilang JV, Steph Yamut bilang Angelica, Erlinda Villalobos bilang Nanay.
Mula sa direksyon ni Laurice Guillen, mapapanood ngayong Sabado pagkatapos ng Pepito Manaloto, Ang Tunay na Kuwento sa GMA7.