Hanggang sa telebisyon ay hindi pa rin talaga nawawala ang Poe-Escudero tandem dahil magkasama sa isang teleserye, ang Beautiful Strangers ang magkaibigan na sina Heart Evangelista at Lovi Poe. Si Heart ay misis ni Sen. Chiz Escudero habang si Lovi naman ay anak ng namayapang movie king na si Fernando Poe, Jr. at half-sister ni Sen. Grace Poe.
Nung buhay pa si FPJ, si Sen. Chiz Escudero ang tumayong spokesperson nito nang ito’y kumandidato sa pagka-pangulo. Ngayon naman ay maugong ang balita ng tambalang Poe-Escudero para sa 2016 presidential elections although hindi na pagdi-deklara ang dalawa.
At malabo raw talagang maghiwalay ang dalawa dahil kakaiba ang pagkakaibigan nina Grace at Chiz na mismong ang anak ni Sen. Grace na si Brian ang nagpatotoo.
Ayon kay Brian na iniwan na ang trabaho sa CNN Philippines, si Chiz lang ang nagtiwala sa kakayahan ng kanyang ina noong mga panahong ito ay mababa pa sa mga survey bago ang 2013 senatorial race.
“Mula kay lolo hanggang kay mom, lagi siyang nandiyan para sa aming pamilya. Isa siyang totoong kaibigan sa hirap at ginhawa,” sabi ni Brian sa isang interview.
Ikinuwento ni Brian kung paano isinasama ni Chiz ang kanyang ina sa mga probinsiya noong mga panahon na siya ay nagpapakilala pa lamang sa publiko.
Aniya, kahit noong mga panahong ang lola niyang si Susan Roces lang ang pinakamalaking financial sponsor ng kaniyang ina, hindi iniwan ni Chiz si Grace, bagkus ay niyakag pa niya ito upang mangampanya sa mga probinsiya.
Matatandaan na mula sa No. 28 na ranking sa mga survey bago ang eleksyon, si Grace ang naging topnotcher sa pagka-senador pagkatapos ng halalan noong 2013.
Nauna nang sinabi ni Grace na kung tatakbo man siyang pangulo sa susunod na taon, si Chiz ang gusto niyang makapareha dahil na rin sa malalim nilang pinagsamahan
Andre at Kobe wini-wish ng half sister na cancer survivor na makilala
Pagbigyan kaya ng magkapatid na Andre at Kobe Paras ang kahilingan ng kanilang kid half-sister, ang cancer survivor na si Caleigh nitong makita at makilala ang kanyang dalawang estranged Kuyas?
Kahit hindi pa nakikita at nakikilala ng 5 or 6-year-old na si Caleigh ang kanyang dalawang kuya ay kilalang-kilala niya ang mga ito dahil na rin sa kuwento at mga litrato na ipinakikita ng kanilang inang si Jackie Forster.
Hindi man sumusuko si Jackie na balang araw ay magkakaayus-ayos din sila ng kanyang two estranged sons na sina Andre at Kobe, umaasa rin siya na mapapagbigyan ng Paras brothers ang kahilingan ng kanilang nakababatang kapatid na si Caleigh na sila’y makita.
Gelli gagawing pamasak kay Mariel
Kahit bagong pasok pa lamang si Mariel Rodriguez-Padilla sa daily morning show ng TV5 na Happy Wife, Happy Life na pinagsasamahan nila nina LJ Moreno-Alapag at Danica Sotto-Pingris, mapapaaga ang pag-alis ni Mariel sa programa dahil sa kanyang maselang pagbubuntis (ng triplets) ngayon.
Pinayuhan si Mariel ng kanyang doctor na mag-bed rest kung gusto nitong ma-save ang kanyang ipinagbubuntis (na triplets) ngayon.
Sa pagkakaalam namin, si Gelli de Belen ang ipapalit kay Mariel sakaling magpahinga muna ang misis ni Robin Padilla.
Big boss ng Philstar, nakakatuwa ang kabaitan
Natutuwa kami sa big boss ng Philippine Star Publication na si G. Miguel Belmonte dahil napaka-warm and friendly nito sa tuwing nakikita namin sa iba’t ibang okasyon.
Dalawang beses na naming aksidenteng nakita si G. Belmonte sa labas– una sa Podium at pangalawa sa Shangri-la Plaza kamakailan lamang kasama ang kanyang misis at isang kaibigan.
Last Sunday evening ay pababa kami ng escalator galing 3rd floor ng Shangri-La Plaza nang makasalubong namin ulit siya ay siya pa ang unang bumati sa amin. Bumati rin sa amin ang kanyang magandang misis.
Regular lamang namin nakikita si G. Belmonte sa taunang Christmas Party ng Pilipino Star Ngayon at Pang-Masa (PM) kung saan nagti-table-hopping siya para lapitan ang kanyang mga loyal staff sa iba’t ibang department ng kanyang publication and regular columnists.
Unlike other big bosses na hindi nalalapitan ng kanyang mga empleyado, kakaiba naman si Miguel na malapit ang loob pati na sa maliliit niyang trabahante.
Maybe, ito ang sikreto ni Miguel sa kanyang pagiging successful publisher and businessman dahil inaalagaan niya ang mga taong kanyang nasasakupan at tapat sa kanilang mga trabaho.