Si Bela Padilla ang bagong katambal ni Coco Martin para sa teleseryeng Ang Probinsyano. Natupad na raw ang pangarap ng bagong Kapamilya star na makasama si Coco sa isang proyekto.
“Gentleman siya at maalaga sa set. Dati noong wala pa ako sa ABS-CBN, lagi kong sinasabi na sana makatrabaho ko si Coco pero ngayon eto na. Kasama ko na siya sa isang serye na maipagmamalaki namin,” nakangiting bungad ni Bela.
Katatapos pa lamang din ng dalaga sa shooting para sa epic movie na Ang Sugo. Base ito sa buhay at kasaysayan ng Iglesia ni Cristo sa bansa. Humaharap ngayon sa kontrobersya ang Iglesia ni Cristo pero ayon kay Bela ay hindi naman daw ito nakaapekto sa takbo ng kanilang bagong pelikula.
“Natapos na kami ng shooting. Wala namang aberya na nangyari at tuloy-tuloy kami and kung ano man ang mga issues, hindi naapektuhan noon ang pagbubuo namin ng pelikula,” pagbabahagi ng aktres.
Samantala, excited na raw si Bela sa pagkakaroon ng bagong pinsan dahil sa ipinagbubuntis ngayon ng tiyahing si Mariel Rodriguez. Posibleng triplets diumano ang magiging anak ng aktres at Robin Padilla.
Lola Basyang bubuhayin
Mapapanood sa Aliw Theater sa August 21, 22, 23, 28, 29 at 30 ang Tatlong Kuwento ni Lola Basyang. Muling bubuhayin ni Luz Fernandez ang karakter na mahigit limang dekada na niyang ginagawa. Kinapupulutan ng iba’t ibang aral ng buong pamilya ang bawat kwentong ibinabahagi ng nasabing proyekto
“Dekada singkwenta pa ng una akong mapasama sa cast ng Lola Basyang sa radio. Iba’t ibang stories ang dina-dramatize namin noon at talagang malakas ang response ng mga kabataan that time sa bawat episode namin,” pagbabahagi ni Luz. Ilang henerasyon na ng mga kabataan ang nakapakinig at nakapanood ng Lola Basyang na nilikha ni Severino Reyes. Masasabi raw ni Luz na malaki na ang ipinagbago ng mga kabataan ngayon kumpara noong araw.
“Hinahanap ko ‘yung kabataan na naglalaro sa kalye, ‘yung gumagawa ng mga eroplanong papel, nagpapalipad ng saranggola at nag-i-interact ng normal sa isa’t isa. Ngayon kasi puro gadgets na lang sila at wala ng physical activity,” paliwanag ng beteranang aktres. Eighty three years old na ngayon si Luz pero wala pa raw itong planong mag-retire sa show business.
Matatandaang napabilang ang aktres sa teleseryeng Forevermore subalit hindi na niya ito natapos dahil sa kanyang asthma na madalas niyang dinaramdam ngayon.
Reports from JAMES C. CANTOS