MANILA, Philippines – Pumasok sa bahay ni Kuya ang tinaguriang ‘pinakabatang housemate’ na si baby Romeo, ang isang taong gulang na anak ng Determined Dad ng Australia na si Philip Lampart na mananatili roon hanggang Biyernes bilang bahagi ng bagong task ni Kuya na layuning ipamalas ang pag-aaruga at pagmamahal ng isang ama sa kanyang anak.
Marami ang naka-relate dito lalo pa’t nakagisnan ng maraming pamilyang Pilipino na wala ang ama habang lumalaki ang mga anak dahil nakatutok ang mga ito sa pagkayod. Nais ng programa na mamulat ang mga manonood sa problema ng absentee fathers at ang epekto nito sa mga pamilya.
Para masiguradong maibigay ang pangangailangan ni baby Romeo, pinahintulutan ni Kuya ang ina nito na maglabas-masok sa kanyang bahay.
Ang Pinoy Big Brother ay tinaguriang ‘teleserye ng totoong buhay’ dahil sinasalamin nito ang bawat Pilipino sa pamamagitan ng makukulay na kwento ng iba’t ibang housemates. Para subukin ang kanilang pagpapakatotoo, nagbibigay si Kuya ng iba’t ibang tasks o hamon na tiyak magpapatatag at magpapabuti sa kanila bilang indibidwal sa bandang huli at kapupulutan naman ng aral at inspirasyon ng mga manonood.
Simula pa lang ng season one ng Pinoy Big Brother ay pinapahalagahan na ni Kuya ang papel ng ama sa pamilya nang ipasok nito sa kanyang bahay ang mga anak ng nangungulilang housemate na si Jayson Gainza. Sa loob din ng bahay mas lumakas ang pagsasama ni Pinoy Big Brother Teen Edition Plus big winner Ejay Falcon at ng nakagisnang ama. Kamakailan sa PBB 737 ay trending din ang tagpo sa pagitan ni Jimboy at ang kanyang ama.
Isa lamang ang kwento ni Philip sa dapat abangan gabi-gabi. May labing-isang housemates pa na magbabahagi ng kanilang buhay sa mga susunod na araw kabilang na ang Mr. Kulit ng Japan na si Jyo Yokohama, Tour Guide Tatay ng Bacolod na si Roger Lutero, Bombshell Baker ng Paranaque na si Dawn Chang, Soldier’s Boy ng Pampanga na si Charlhone Petro, Bungisngis Bebot ng Bulacan na si Mikee Agustin, Independent Sweetheart ng Manila na si Margo Midwinter, Charming Chinito ng Paranaque na si Richard Juan, Worldwide Worker ng Surigao na si James Linao, California Dreamgirl ng USA na si Jessica Marasigan, Madiskarteng Inday ng Iloilo na si Krizia Lusuegro, at Sexy Mommy ng Japan na si Miho Nishida.
Ano kayang tasks ang ibibigay ni Kuya sa kanila na susubok sa kanilang tibay, determinasyon, at pagkakaisa?
Mapapanood ang Pinoy Big Brother 737 gabi-gabi pagkatapos ng On the Wings of Love, tuwing Sabado pagkatapos ng Maalaala Mo Kaya (MMK) at tuwing Linggo pagkatapos ng Rated K sa ABS-CBN. Tutukan din ang PBB 737 Gold pagkatapos ng Nasaan Ka Nang Kailangan Kita kada hapon kasama si Toni Gonzaga at ang PBB 737 Online kasama sina Bianca Gonzalez at Robi Domingo.