Dahil sa pamilyang iniaasa na ang buhay, sikat at guwapong aktor na nakukuba na sa pagtatrabaho, walang masyadong ipon

Kung pagmamahal sa pamilya ang pag-uusapan ay walang kuwestiyon na nangunguna sa listahan ng mga personalidad na dapat parangalan ang isang sikat at guwapong aktor.

Bago ang kanyang sarili ay ang ina at mga kapatid muna niya ang inuuna ng male personality. At hindi lang ‘yun, pasan din ng guwapong aktor ang responsibilidad na pag-aralin ang kanyang mga pamangkin, kahit pa kumikita naman ang mga magulang ng mga bata.

Pero may mga pagkakataong sumosobra na ang pagiging palaasa ng mga kapatid ng sikat na aktor sa kanya. Ayon sa mga kaibigan ng male persona­lity ay puro siya na lang ang inaasahan ng kanyang mga kapatid at pamangkin. Bigay naman nang bigay ang aktor, walang tanung-tanong, basta labas lang siya nang labas ng perang kailangan ng mga taong nakasandig sa kanya.

Kuwento ng isang malapit sa lalaking personalidad, “’Yun ang reason kung bakit kokonti lang ang kaibigan niya. Kahit sino kasing mapalapit sa kanya, e, hinaharangan agad ng mga kapatid niya.

“Siguro, natatakot silang baka may makapagpayo sa kapatid nila na sobra-sobra na ang ibinibigay niya sa family niya. Ayaw nilang mangyari ‘yun, hindi sila papayag, dahil nasanay na silang umaasa na lang sa kapatid nila,” kuwento ng aming impormante.

Minsan nang may nagpayo sa sikat at guwapong aktor na matuto siyang mag-ipon para sa kanyang kinabukasan. Wala kasing kasiguruhan ang pag-aartista, lalo na’t hindi na siya bumabata, baka isang araw ay tumamlay ang kanyang career at matagpuan na lang niya sa isang sulok ang kanyang sarili na wala pala siyang ipon dahil sa mga palaasa niyang kapatid.

Pagtatapos ng aming kausap, “Banned bigla sa house niya ang kaibigan niya, siniraan agad ng mga kapatid niya, nakakaawa naman ang male personality na ‘yun na kubang-kuba na sa pagtatrabaho para lang buhayin ang mga kapatid niyang puro pabigat sa kanya.”

Ubos!

Sunday PinaSaya at Wowowin hindi dapat magpapetiks-petiks!

Siguradong nabulabog ang tropa ng A.S.A.P. sa paglabas ng rating ng kanilang palabas nu’ng  Lunes na malayo ang rating sa kanila ng bagong Sunday show ng Siyete.

Isang malaking tagumpay ang pagba-back-to-back ng Sunday PinaSaya at Wowowin, nilamangan nila sa rating ang dalawang dekada nang variety show ng Dos, tuwang-tuwa ang staff ng dalawang programa dahil sa magandang buwena-manong tagumpay ng kanilang mga show.

Ang Sunday PinaSaya ay pinopostehan nina AiAi delas Alas, Jose Manalo, Wally Bayola, Marian Rivera at ng marami pang ibang artista at singers ng GMA 7. Kasama naman ni Willie Revillame sa Wowowin ang kanyang mga dancers na talaga namang humataw na parang wala nang bukas pa sa opening production number pa lang ng programa ng aktor-TV host.

Pagpansin ng aming source, “Parang nakarating agad sa kabila ang magiging atake ng Sunday PinaSaya dahil may comedy segment din sila. Pero sorry na lang, hilaw na hilaw ang mga artista nila.

“Ma-effort, sobrang forcing through, trying hard ang dating nu’n sa televiewers. E, teka lang naman muna, paano nila tatapatan ang husay nina AiAi, Jose, at Wally? Naman!”

Sa darating na Linggo nang tanghali ay siguradong paghahandaan na ng kanilang kalaban ang Sunday PinaSaya at Wowowin. At sigurado ring dobleng paghahanda ang gagawin ng dalawang programa ng GMA 7 para mabigyan nila palagi ng magandang laban ang programa ng Dos.

Hindi dapat magpapetiks-petiks ang mga taga-Siyete. Kailangang panindigan nila ang timplang nagustuhan ng manonood. Parang pagkain lang ‘yan na sa una ay gustong matikman ng lahat.

Kapag masarap talaga ay sila na ang bagong tatangkilikin pero kapag nagbago ang lasa sa katagalan ay babalik uli sila sa dating timplang kinasanayan na nila.

Show comments