Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagkatrabaho sa isang proyekto sina Piolo Pascual at ang Kapuso actress na si Rhian Ramos. Magkatambal ang dalawa sa pelikulang Silong na bahagi ng Cinemalaya Film Festival. Isa rin si Piolo sa mga producer ng nasabing independent film na mapapanood na sa Biyernes.
Ayon kay Piolo ay kakaiba raw talaga ang konsepto ng kanilang pelikula. “It’s a mystery, even our roles nakakagulat. I play a doctor and I’m grieving because my wife left me. I see Rhian and that starts a love story. It’s a romantic thriller and it’s a different kind of love story altogether kaya it’s interesting. It’s demanding physically and emotionally. Ang daming nangyayari,” pagbabahagi ni Piolo.
Ito rin ang kauna-unahang pagkakataon na nakagawa si Rhian ng intimate scenes sa isang pelikula. Inalalayan na lamang daw ni Piolo ang dalaga upang maisagawa nila ito nang maayos. “It’s all part of it. Rhian she was really, really getting stressed. You know what to cover, what to not show. It was really daring. We don’t want to sell the film as sexy film. Kailangan ‘yung eksena sa pelikula since we’re both intense, intense rin ‘yon,” natatawang pahayag ng aktor.
Adhikain na walang nakahubad sa kalye at palabuy-laboy na mga aso... Luis tuloy na sa pagkandidato?!
Matagal nang usap-usapan ang pagpasok diumano ni Luis Manzano sa mundo ng pulitika. Hanggang ngayon ay hindi pa rin desidido ang aktor kung kakandidato siya para sa eleksyon sa susunod na taon. May mga kumausap na raw kay Luis upang tumakbo sa pagka-Alkalde sa Lipa City. “Hindi pa ako nakaka-decide although may mga kumakausap sa akin, that’s true. I have until August 16 kung saka-sakaling mag-decide ako to run for any position in public office, hindi lang sa pagiging mayor,” pagtatapat ni Luis. “Gusto ko kasi ‘yung mga walang nakahubad sa kalye at saka mga stray dog, ‘yan ang adhikain ko,” pabirong pahayag ng aktor.
Kinumpirma rin ni Luis na wala nang planong tumakbo ang inang si Vilma Santos-Recto para sa mas mataas na posisyon sa darating na eleksyon. “Hindi niya iniisip na gawing stepping stone ang pulitika sa kahit ano pang posisyon. Kumbaga, ‘Nandito ako sa Lipa, ito ang aasikasuhin ko.’ Hanggang sa umabot siyang governor ng Batangas. ‘Itong Batangas ang aasikasuhin ko.’ Hindi ‘yung porke governor ka, nangangarap ka ng sobrang taas. Hindi naaasikaso kung sino ‘yung mga talagang bumoto sa kanya,” pagtatapos ng binata. Reports from JAMES C. CANTOS