Dalawang Pinoy restaurants ang magkasunod na pinuntahan ko kahapon, ang Alab sa Scout Rallos Street at Provenciano sa 110 Maginhawa Street, Teacher’s Village na parehong nasa Quezon City.
Ang Alab ang first stop ko at si Chef Tatung na isa sa mga co-owner ang sumalubong sa akin. Nakilala ko si Chef Tatung dahil sa magkasabay na guesting namin noon sa SIS, ang dating morning show ni Carmina Villarroel at ng magkapatid na Janice at Gelli de Belen.
Kasosyo sa Alab si Cherry Pie Picache pero hindi ko siya nakita.
Dalawa ang pagkain na in-order ko na parehong hindi available dahil sa rami ng mga parokyano ng Alab.
Nag-order na lang ako ng okoy na nagustuhan ko at ng camote ice cream na highly-recommended ng ibang entertainment reporters na nasubukan nang kumain sa restaurant nina Cherry Pie at Chef Tatung.
Type na type ko nga pala ang maganda at napakalinis na comfort room ng Alab. Importante sa mga restaurant ang magkaroon ng malinis na toilet dahil ayaw ng mga kostumer ng mga eatery na marurumi ang mga comfort room.
VM Joy Belmonte balak gawing tourist friendly food strip ang Maginhawa Street
Ang Provenciano ang next stop ko dahil kaibigan ko si Chef Chris, isa sa mga co-owner na nakilala ko noong nagtatrabaho pa siya sa Victorino’s.
Nagustuhan ko ang parang bahay na ambience ng Provenciano at ang menu ni Chef Chris.
Dahil busog pa ako sa mga kinain ko sa Alab, ang lumpiang sariwa at guinomis ang mga tinikman ko sa Provenciano.
Pasado sa panlasa ko ang mga pagkain sa Provenciano na perfect para sa mga presscon at solo interview.
Type ko ang sawsawan bar ng Provenciano. Idea ni Chef Chris na maglagay ng sawsawan bar dahil mahilig sa mga sawsawan ang mga Pinoy. Naisip ko tuloy ang isang femaleTV host na mahilig sumawsaw sa mga isyu dahil tiyak na makikita niya ang sarili sa sawsawan bar ng sosyal pero affordable restaurant sa Maginhawa Street.
Siyempre, sinilip ko ang restroom ng Provenciano at hindi ako nadismaya dahil malinis at mabango ang toilet.
Sina Amy Perez, Ryan Cayabyab, at Rowell Santiago ang ilan sa mga entertainment personality na nakasubok na sa masasarap na pagkain ng Provenciano.
Naikuwento sa akin ni Chef Chris ang magandang plano ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte sa Maginhawa Street.
Balak ni Mama Joy na gawin na tourist friendly food strip ang Maginhawa St. at hindi niya papayagan na magkaroon ng mga fastfood restaurant sa nasabing lugar.
Popular na popular na ang Maginhawa Street dahil sa hanay ng mga restaurant na dinarayo ng mga kostumer na nagmula pa sa malalayong lugar.
Hindi pa nalilimutan ng mga mahihilig kumain na ang Maginhawa Street ang venue noong October 11, 2014 ng first Maginhawa Street Food Festival na itinaon sa engrande na 75th Anniversary Celebration ng Quezon City.
Piyestang-piyesta ang atmosphere noon sa Maginhawa Street dahil isinara sa traffic ang kalye na mahigit sa dalawang kilometro ang haba.
Sina House Speaker Sonny Belmonte, Quezon City Mayor Herbert Bautista at si Mama Joy ang mga special guest sa pormal na pagsisimula ng Maginhawa Street Food Festival.
Hoping ang mga foodie na mauulit ngayong 2015 ang unique food festival sa Maginhawa Street dahil tagumpay ito noong nakaraang taon.