PIK: Dumating kahapon ng madaling araw si Jessica Sanchez mula Amerika, at ang unang appearance niya ay sa Sunday PinaSaya bukas.
Mukhang may magandang pag-uusap ang APT Entertainment kay Jessica, pero ang sabi pa lang nila ay guesting muna ito. Hindi pa nila masasabi kung magiging mainstay na rin ba ang Pinay international singer.
Bukas ng gabi ay magkakaroon ng concert si Jessica sa City of Dreams.
PAK: As of presstime, patuloy pa rin ang paghingi nina Jaya ng dasal na maka-recover ang kanyang inang si Elizabeth Ramsey.
Na-stroke si Tita Elizabeth nung kamakalawa ng hapon kaya hindi na nga natuloy ang guesting ni Jaya sa Wowowin sa pagsugod sa hospital ng kanyang ina.
Hindi na muna nagpa-interview si Jaya, pero nag-post lang ito nung araw na iyun ng; “My mama had a stroke today. I’m at my saddest but still praise God for He is in control.
?“Please if you can, say a little prayer for my dearest Mother. Thank you.”
Na-check ng Startalk kahapon ang kalagayan ni Tita Elizabeth, pero nasa ICU pa rin daw ito ng Philippine Heart Center.
Medyo maselan ang pinagdaanan ng beteranang singer/performer dahil bukod sa stroke ay napakataas din daw ng blood sugar nito. Hindi yata alam nina Jaya na Diabetic ang kanyang ina.
BOOM: Ngayong araw naman ay ihahatid na sa huling hantungan ang miyembro ng Masculados Dos na si Ozu Ong.
Magkakaroon muna ng misa ng alas-otso ng umaga at ililibing na ito sa Holy Gardens Memorial sa Antipolo.
Nagpamisa si direk Maryo J. delos Reyes kamakalawa ng gabi at naglabas siya ng sama ng loob nito sa nangyari dahil sa ginawa sa kanyang alaga.
“I feel that justice will be given. Justice will prevail sa ginawa nila kay Ozu,” pahayag ni direk Maryo.
“Sana mabigyan naman ng proteksyon ang mga mamayan. Kagaya naming mga entertainers, we’re just here to entertain, tapos basta patayin na lang ng ganun,” himutok pa nito.
Nanawagan siya sa mga humahawak ng imbestigasyon na sana huwag daw nila itong bitawan hanggang sa mahuli ang gumawa nito kay Ozu.
Pati sa media ay nakikiusap pa rin si direk Maryo na sana’y patuloy pa rin daw itong tutukan para matunton na ang tunay na salarin.