Female personality nag-iimbento ng isyu para makapagmaldita
Tawasin man nang ilang libong beses ang mga staff ng isang produksiyong gumagawa-nagbubuo ng mga TVC (TV commercials) ay tatanggihan na nilang makatrabaho ang isang pamosong female personality.
Ayaw na nila ng stress, ayaw na nila ng problema, lalong ayaw na nila sa maarteng personalidad. Ganu’n ang impresyon ng grupo sa female personality na nang magsabog kuno ang langit ng kaartehan at pagiging reklamadora ay mukhang nagbaklas ng bubong ng kanilang bahay.
Kuwento ng isang source, “Matagal na sila sa trabahong ‘yun, dekada na ang binibilang ng agency sa paggawa ng mga TV commercials. Kahit nga mga politicians, e, client din nila kapag eleksiyon. Sila ang gumagawa ng mga plugs ng mga pulitiko, sila ang humahawak ng promo.
“Pero ngayon lang sila nakaengkuwentro ng personality na ipinaglihi sa daing. Hindi sa daing na bangus o daing na tuyo, ha? Sobra siyang magdaing, kaya ipinaglihi siya sa daing!
“Lahat na lang, pinoproblema niya, kapag wala siyang makitang problema, gumagawa talaga siya ng problema para lang magkaroon sila ng argumento ng katrabaho niya.
“Kunwari, kalahati lang ng katawan niya ang kukunan para sa TVC, tops lang ang kailangang kunan, magsasapatos pa siya. At gagawan niya ng istorya ang sapatos na suot niya, samantalang half body lang naman ang nasa story board.
“Para lang may isyu, para lang magkaroon siya ng reason para makipagtalo. Nakakaloka ang ugali ng babaeng ‘yun na feeling alam niya ang lahat-lahat, dahil ayaw niyang magpakabog kahit kanino,” paismid na kuwento ng aming impormante.
Sa network kung saan meron siyang isang show ay problema rin siya ng staff. Kung anu-ano ang ipinagpaskel niya sa pintuan ng kanyang dressing room. Marami siyang kaartehan at marami siyang ipinagbabawal.
“Merong ‘Do not disturb,’ merong ‘Silence please’ sa hallway, meron pang ‘No littering.’ Nakakaloka siya! Lahat na lang, bawal! Mabuhay siyang mag-isa, hitad siya, tutal naman, e, mag-isa lang yata siyang nabubuhay sa sariling mundo niya!” inis na inis pang kuwento ng aming source.
Ubos!
Willie walang planong mag-senador
Bukod sa pakikipag-back-to-back ng Wowowin sa bagong variety show tuwing Linggo ng GMA 7, ang Sunday PinaSaya, ay magkakaroon din pala ng sitcom si Willie Revillame sa network. (sundan sa pahina 11) Time slot na lang pala ang hinihintay pero buo na ang konsepto para sa sitcom na gagawin nila ng Pambansang Kamao na si Congressman Manny Pacquiao.
Walang magiging problema dahil magkaibigan naman sila, tuwing may laban si Pacman ay naglalaan ng panahon si Willie para sumuporta, may laban o wala ang Pambansang Kamao ay nagkakabalitaan sila.
Pero mauuna muna ang pagbabago ng oras ng Wowowin, alas-dos hanggang alas-tres kinse na sila mula sa Linggo (August 9), pagkatapos ng Sunday PinaSaya.
Si Willie ang prodyuser ng kanyang programa, hindi kagandahan ang oras na naibigay sa kanya nu’ng una, kaya ngayong mas maaga na sila ay malaki ang posibilidad na mapuno na ng commercials ang Wowowin.
Pero ang pinakahihintay ng mga tagasuporta ng aktor-TV host ay ang pagiging daily na ng kanyang show. Bitin para sa kanila ang lingguhang programa lang, gusto nilang mabalik ang dating dalawang oras na pagbibigay-saya ni Willie, tulad ng mga ginawa niyang shows sa Dos at sa TV5.
Maraming buhay na ng mga kababayan nating kapuspalad ang binago ng mga programa ni Willie. Hindi lahat ng game-variety shows ay nakapagbibigay ng house and lot, sasakyan at cash prizes na milyunan ang halaga.
May mga pulitikong “umaawit” sa kanya ngayon para tumakbong senador. Hindi naman nagsasarado ng pintuan si Willie, hindi siya nagsasalita nang tapos, pero kung siya ang tatanungin ay mas matimbang sa kanyang puso ang pagtulong sa ating mga kapwa Pilipino nang wala siyang ginagampanang tungkulin sa gobyerno.
- Latest