Sa darating na Agosto 20 ay ika-76th birthday ng Movie King na si Fernando Poe, Jr. mister ng Movie Queen na si Susan Roces at ama ni Sen. Grace Poe-Llamanzares.
At sa mga panahong ito, hindi maitago ni Senator Grace ang kanyang pangungulila sa kanyang ama.
Inamin ni Senator Grace na miss na miss nya si Da King lalo na’t kinakaharap nya ang malaking desisyon kung ano ang plano niya para sa 2016 elections.
Marami ang nag-uudyok sa senadora na tumakbo bilang pangulo at marami rin namang nag-aambisyon na maging bise presidente sana nila si Senator Grace.
Hindi nahihiyang ikwinento ni Senator Grace na kung nabubuhay si FPJ ay kokunsultahin niya ang ama sa mga hakbang na dapat nyang tahakin o kung anong direksyon ang dapat puntahan.
“Alam naman ng marami na independent minded ako at marami akong desisyon na ako lang ang nagpasya, nakaka-miss din na wala si FPJ. Gusto ko rin naman ibahagi sa kanya kung ano man ang narating ko at saan ako naroroon,” pahayag ni Senator Grace.
Dagdag ng senadora: “Yung mga issues na binabato nila noon sa tatay ko, parehong isyu rin yon na itinatapon ng ilang kampo laban sa akin. Ano kaya ang sasabihin ni FPJ?”
Marami ang nagsasabi na sa kaarawan mismo ni FPJ iaanunsyo ni Sen. Grace ang kanyang kandidatura either sa pagkapangulo o sa pagka-bise presidente.
Kung matatandaan pa, walang kabalak-balak noon si FPJ na sumabak sa pulitika pero dahil sa strong clamor ng publiko ay napilitan siyang kumandidato sa pagkapangulo. He was so popular at pinaniniwalaang nanalo sa numbers pero natalo sa bilangan. Ininda nang husto ni FPJ ang nangyaring dayaan sa halalan na naging sanhi ng kanyang maagang kamatayan.
Call it Divine Providence. Ang anak naman niya ngayong si Sen. Grace ang pilit na itinutulak sa pinakamataas na puwesto ng bansa sa kabila ng pagiging consistent ng pagsasabi niya noon na gusto niyang ipagpatuloy ang kanyang termino sa senado. Kung hindi nga naman ito natupad ni FPJ nung siya’y nabubuhay pa, malamang na ito’y maisakatuparan sa pamamagitan ni Sen. Grace Poe.
Ngayon pa lamang ay looking forward na ang publiko sa magiging deklarasyon ni Sen. Grace Poe. Matutuloy na kaya ang tambalan nila ni Sen. Chiz Escudero sa 2016 presidential elections? Abangan!
Sina Batangas Gov. Vilma Santos at Congresswoman Leny Robredo ang mga inasinta para maka-tandem ni DILG Sec. Mar Roxas sakaling i-turn down ni Sen. Grace Poe ang alok ni Pangulong Noynoy Aquino na makasama ni Sec. Roxas sa 2016 elections.
Nagpahayag na si Gov. Vi na hindi umano siya interesado na maging bise-presidente at may hesitation din sa panig ni Cong. Leny dahil baguhan pa lamang siya sa kongreso.
Kung saka-sakaling matuloy ang tambalang Sen. Grace at Sen. Chiz, tiyak na magiging all out ang suporta ng mga taga-industriya dahil bukod sa pagiging anak ni Sen. Grace ng movie king and queen na sina FPJ at Susan Roces, very close din si Sen. Chiz sa showbiz industry lalupa’t ang kanyang maybahay na si Heart Evangelista ay taga-showbiz din. Half sister naman ni Sen. Grace ang singer-actress na si Lovi Poe na nag-signify din ng suporta sa kanyang Ate Grace. Nariyan din ang first cousin ni Sen. Grace na si Sheryl Cruz.
Pero anu’t anuman ang magiging deklarasyon ni Sen. Grace Poe at ni Sen. Chiz Escudero, nakaantabay ang publiko laluna ang kanilang mga makakalaban pagdating ng 2016 elections.
Politics is in the air, Salve A.