May matinding pulitikang nagaganap sa isang malaking network. Ang kasabihan du’n na kung anak ka ng Diyos ay buhay ka at kung hindi ay nganga ka.
Dalawang personalidad ang kinasihan ng pagkakataon na maging anak ng Diyos sa istasyon. Isang babae at isang beki. Kahit ano ang kanilang gawin ay pasable, pero kapag ibang artista ay hindi puwede, iba na talaga ang tinititigan at basta tinitingnan lang.
Spoiled ang dalawang personalidad. Puwede nilang gawin ang kahit ano, sumablay man sila ay merong sumasalo, kaibigan kasi ng babae ang isang malaking tao sa network at ito naman ang nag-aalaga sa beki.
Kuwento ng aming source, “Basta ginusto ng female personality, kailangang masunod. Tinitipid ang budget ng ibang shows, pero pagdating na kay _____(pangalan ng spoiled na female personality), walang hindi puwede.
“Sunod na sunod ang layaw ng babaeng ‘yun sa network. At huwag mo siyang kakalabanin, kapag kinausap niya ang mga bossing ng network, good luck na lang sa inaayawan niyang tao,” nakataas ang kilay sa tenth floor na kuwento ng aming impormante.
Maangas at spoiled din ang isang beki sa nasabing istasyon, dumarating siya sa oras na gusto niya, puwede siyang magmalabis dahil may sumasalo nga sa kanyang pagmamaangas.
“Magsisimula na ang show niya, pero wala pa rin siya sa studio. Tatawagan siya ng staff, patay ang telepono niya. Tatawagan ang PA niya, nagri-ring naman ang phone, pero hindi sinasagot, ‘yun kasi ang turo ng amo niya.
“Kapag nagsumbong ang EP sa tagapagtanggol ng beki, siya pa ang sisisihin, siya ang pagagalitan, kaya n’yo ‘yun? Super-spoiled ang beking ‘yun kaya naman lumalaki ang ulo niya. Magkapareho lang sila ng kaibigan niya na kahit ano ang magustuhan, go lang nang go!” kuwento uli ng aming source.
Ubos!
AlDub nagpapalagnat sa bayan
Ibang klase ang dating sa manonood ng teleserye sa tunay na buhay dahil walang script nina Alden Richards at Yaya Dub. May lagnat ang bayan ngayon sa All For Juan, Juan For All ng Eat Bulaga dahil sa pagkapanganak ng loveteam na Aldub.
Nagsimula lang ang lahat sa pagiging yaya ng dalaga kay Lola Nidora na ginagampanan ni Wally Bayola. Silang dalawa ni Jose Manalo ang magkatuwang na bumubuhay sa segment.
Hanggang sa pumasok na sa eksena si Alden, kinikilig si Yaya Dub tuwing nakikita niya sa screen ang guwapong aktor, hanggang sa sinakyan na ni Lola Nidora ang kuwento na kunwari’y kontrang-kontra itong makarelasyon ng kanyang yaya si Alden.
At kapagkuwan ay nagpatuloy na ang teleseryeng walang script. Nadagdag sa kuwento si Ms. Celia Rodriguez na kontrabidang lola naman ni Alden, nag-aaway sila ni Lola Nidora, habang pigil na pigil naman ang pagkakagustuhan nina Alden at Yaya Dub.
Nakadiskubre na naman ang Eat Bulaga ng bagong bahagi ng noontime show na kaaaliwan ng manonood. Milya-milya nilang kinakabog sa rating ang kanilang kasabayan sa himpapawid ngayon. Walang mapamimilian ang kanilang kalaban kundi ang makaisip din ng teleseryeng walang script na yayakapin ng sambayanan.
Treinta’y sais anyos na ngayon ang Eat Bulaga ng TAPE, Incorporated ni Mr. Tony Tuviera. Pero sa loob nang mahigit na tatlong dekada ay buhay na buhay pa rin ang noontime show, palagi tayong sinosorpresa ng mga bagong segments, maraming salamat sa masusing paggabay ni Tita Malou Choa-Fagar sa kanilang buong production staff.