AiAi inaayos pa ang pagiging green card holder bago makakandidato!

Hindi man ito aminin ng mga taga-GMA, lalabas at lalabas din ang katotohanang maraming nasagasaang Kapuso si AiAi delas Alas sa paglipat niya ng network.

Sa promosyon lang ng GMA Pinoy TV na regular na siyang ipinadadala sa ibang bansa, siguradong meron nang naitsapuwera. Pero ano ba naman ang magagawa ng bagong recruit ng Kapuso Network na bigla siyang naging in demand sa kalabang istasyon? Hindi naman siya nagpiprisinta. But kno­wing AiAi at ang talent niyang magpasaya, suwerte ng GMA na makuha siya’t mapakinabangan ang talent.

Tingnan natin ngayon ang galing niya sa bagong programa na network na ipangtatapat nila sa kalabang istasyon. Pero inamin na ng buong cast kasama si AiAi, Marian Rivera, Jose Manalo, Wally Ba­yola, Julie Anne San Jose, Alden Richards, Bar­bie Forteza, Joey Paras, Valeen Monteneg­ro, Jerald Napoles at marami pang iba na ang ba­gong programang Sunday PinaSaya na walang balak na kalabanin ang ASAP. Ang handog nilang bagong palabas ay isang al­terna­tibong programa na nakabase sa co­medy. ‘Yung production numbers ay magsisilbing brea­ker lamang sa walang humpay na pagpapatawa, games, at napa­kara­ming papremyo. Higit P1-M ang halaga ng papremyo ang kanilang ipamimigay.

Obvious naman na magiging iba ang Sunday PinaSaya sa mga nakasanayan nang mala-concert na programa tuwing Linggo. Bago ang tambalan ng direktor na si Rich Ilustre at writer na si Andrew de Real. Kung inaakala n’yo na nakita n’yo na ang lahat ng makakayang pagpapatawa nina Jose at Wally sa Eat Bulaga, pangako ng Sunday PinaSaya na walang uulit sa mga nagawa na ng dalawa.

Peg ng bagong programa ang Saturday Night Live na magkakaron ng maraming segment tungkol sa teleserye na tatampukan nina AiAi at Joey Paras; cooking segment naman ang kay Alden at isa sa magiging ingredient ng kanyang pagluluto ay ang pagpapaseksi na gagawin niya habang nagluluto. May wokshop naman si Wally. Mga 50-60 percent ng palabas ay comedy skits at sketches. Ito ay magsisimulang mapanood sa Agosto 9, alas-12 ng tanghali sa GMA.

 Samantala, akala ko ay tuluyan nang kinalimutan ni AiAi delas Alas ang kanyang balak na pagpasok sa pulitika, pero sa himig ng kanyang pananalita nu’ng tanungin siya tungkol dito ay meron pa rin siyang balak na makilahok sa magulong mundo na ito. Pero may mga kinakailangang ayusin muna siya sa kanyang estado bilang isang green card holder.

Maganda na sanang panimula ng kanyang magiging kampanya ang ginagawa niyang pagtulong kay Jiro Manio na hindi lamang niya ipinasok sa isang rehab at gagastusan ng malaki kundi tutulungan pa rin niyang makita ang amang hinahanap nito.

Nakita na niya’t nalaman kung saan nila ito ma­pupuntahan sa bansang Hapon kapag nakalabas na si Jiro sa rehab. Hindi pa rin siya pulitiko, pero malaking tulong na ang ibinibigay niya sa isang simbahan sa isang barangay sa Commonwealth. Isang malaking konsyerto ang gagawin niya sa Oktubre sa MOA Arena para makatulong sa pagpapatayo nito.

Effort ni Marian kina Alden at Julie Anne nagbunga

Hindi naman nasayang ang effort ni Marian Rivera na mapagbati ang mahigit nang dalawang taon nang may samaan ng loob na sina Alden Ri­chards at Julie Anne San Jose. Bagaman at hindi naging favorable ang naging reaksyon nila sa ma­gandang layunin ni Marian na mapagbati sila, sa grand presscon ng Sunday PinaSaya ay nagawa pa silang pagtabihin sa upuan at magpalitan ng halilk sa pisngi para lang mapatunayan na walang isyu sa pagitan nila. Ngayon ay makapagtatrabaho na sila na walang ilangan bagaman at obvious na wala nang magaganap na pagtatambal sa kanila dahil inamin na ni Julie Anne na tagaha­nga siya ng tambalang AlDub at pina­no­nood niya sila araw-araw sa Eat Bulaga.

Wagas na pag-ibig...

Wagas na pagmamahalan ng dalawang tao na may 14 taong agwat ang ibabahagi ng Maalaala Mo Kaya ng ABS-CBN ngayong gabi. Gagampanan ni Tanya Garcia ang karakter ng 31 anyos na dalagang si Ruby, samantalang bibigyang buhay naman ni Yves Flores ang role ng teenager na si Engel.

Sa paglalim ng kanilang pagkakaibigan, hindi napigilan nina Ruby at Engel na mahulog sa isa’t isa sa kabila ng pagkakaroon ng malaking pagkakaiba ng kanilang mga edad. Ngunit mas susubukin ang pag-iibigan ng dalawa nang nabuntis si Ruby at napilitan si Engel na tumigil sa pag-aaral para harapin ang responsibilidad bilang isang batang ama.

Tunghayan ang kwento nina Ruby at Engel kung paano pinatatag ng mga pagsubok ang kanilang pag-iibigan at kung paano nila ipinaglaban ang ka­nilang relasyon mula sa kanilang mga pamilya at kaibigan.

Show comments