Christopher na-in love sa kapwa lalaki
MANILA, Philippines – Matapos ang tatlong serye sa mga kuwento ng mga artista ng kahapon, inihahandog ng Wish Ko Lang ang kuwento naman ng mga tagahanga ng mga bituin sa showbiz. Isasabuhay ng mga iniidolo nila ang kanilang kuwento ng pagsubok at pag-ahon sa Si IDOL Bilang Ako. At ang unang episode ay tungkol sa masugid na fan o tagahanga ng drama king ng pinilakang tabing na si Christopher de Leon na si Romeo Burlat.
Ang tanging hangarin daw ni Romeo ay ang mahanap ang tunay na pag-ibig. Ito raw kasi ang magbibigay ng saysay sa kanyang buhay. Ilang beses na niyang inalay ang kanyang puso at ilang beses din siyang nabigo sa mga babae. At sa proseso ng kanyang paghahanap, unti-unti niya ring natutuklasan ang sarili, umibig din siya sa lalaki.
Nang maging kumplikado na ang ninanais ng kanyang puso, tila mas lalong pinagkakait ni kupido na siya ay sumaya. Sa tuwing nabibigo, nagpapaka-abala na lang daw siya sa kanyang trabaho, pero ang hiling na umibig at ibigin ay hindi raw siya mapagbigyan.
Tunghayan ang pagganap ni Christopher De Leon para isabuhay ang naka-aantig na kuwento ni Romeo na kanya ring tagahangga kasama si Vicky Morales ngayong Sabado, August 1, simula 3:15PM, pagkatapos ng Karelasyon sa GMA-7.
- Latest