MANILA, Philippines - Ngayong gabi na gaganapin ang grand finals ng Philpop 2015 sa Meralco Theater at papalabas naman ito ng 10:00 PM sa TV5.
Host ng nasabing event ang mga Viva talents na sina Mark Bautista, Bela Padilla, Sam Pinto, at Chris Schneider. Magtatanghal din sa gabing ito sina Andrew E., Mark Bautista, Dingdong Avanzado, Jennifer Lee, at ang 2014 World Hip Hop Champions, ATeam.
Handang-handa na ang mga interpreter para pabilibin ang mga manonood. Ang pinakamainit na loveteam na JaDine ay mag pe-perform naman ng magkahiwalay. Si James Reid at Pio gawa ni Melchor Magno, Jr. ang kakantahin, ang Musikaw samantalang magdu-duet naman si Nadine Lustre at Kean Cipriano sa kantang Sa Ibang Mundo na sinulat ni Mark Villar. Kasama rin na magtatanghal ang mga young stars na sina Yassi Pressman at Josh Padilla sa Johannes Daniel Garcia’s Edge of the World.
Magbabalik naman ang mga nagwagi sa Philpop 2013 na sina Thyro Alfaro at Yumi Lacsamana upang ipakita muli ang kanilang interpretasiyon sa Triangulo kasama si Jeric Medina. Kasama rin si Lara Maigue na nakabilang sa top five ng Philpop 2013 na bibigyang buhay ngayon ang kantang Nasaan. Kabilang din ang Philpop 2014 finalist na si Davey Langit para sa kanyang kantang Paratingin Mo Na Siya.
Aawitin naman ni Ramiru Matro ang kantang sinulat na Walang Hanggan habang ang YouTube sensation na si Donnalyn Bartolome ay magpapakilig sa kantang Kakaiba. Nariyan din si Anja Aguilar para kantahin ang awiting sinulat ni Melvin Joseph Morallos. Ang kantang sinulat naman ni Ned Esguerra ay bibigyang buhay ng sikat na bandang Side A kung saan ay miyembro siya. Ang tinaguriang Philippines’ Premier Vocal Ensemble na The Company ay magpapamalas ng live performance ng Tanging Pag-asa Ko ni Paul Armesin.
Ang kanta namang sinulat nina Gino Cruz at Jeff Arcilla na Apat na Buwang Pasko ay ipe-perforn ng actor-comedian na si Jon Santos. Magpapamalas rin ng talento sa pag-awit si Jinkee Vidal ng grupong Freestyle sa musikang Kilig na sinulat ng beteranong si Soc Villanueva na finalist rin ng Philpop last year.
Bawat isa sa labindalawang kalahok ay mag-uuwi ng P50,000. Ang magwawaging second runner up naman ay makakatanggap ng P250,000 habang P500,000 naman ang naghihintay sa first runner up. Ang maswerteng grand prize winner ay mag-uuwi ng tumataginting na isang milyong piso. Ang mga mananalo ay makakatanggap din ng napakagandang trophy na inukit ng isang iskultor na si Ramon Orlina.
May dalawang award din na naghihintay sa mga kalahok, ito ay ang People’s Choice Award na kung saan ang mananalo ay makakatanggap ng P100,000 cash prize at ang Best Music Video na makakatanggap rin ng P100,000 na cash.