Maraming pangyayari kahapon, ang pag-aabang ng media sa pagdating ni Chris Brown sa Department of Justice at Bureau of Immigration and Deportation dahil sa clearance na kailangan niya para makaalis na siya sa Pilipinas.
I’m sure, uwing-uwi na si Chris dahil hindi niya inaasahan na matatagalan ang kanyang Manila visit.
Dumating na siya sa punto na pati si US President Barack Obama, dinasalan niya pero binura agad ni Chris ang video. Puwedeng pinayuhan siya ng kanyang mga abogado na huwag nang mag-post ng mga video dahil baka makaapekto ito sa kaso niya.
Nadagdagan ang sakit ng ulo ni Chris dahil sa kanyang mga concert sa ibang bansa na hindi natuloy na resulta ng pagpigil sa kanya ng DOJ at BID na mag-babu sa Maynila.
Huling interview ni Jimboy mapapanood pa
Sumakabilang-buhay kahapon ang ex-That’s Entertainment member na si Jimboy Salazar dahil sa pneumonia.
Nagkaroon ng pagkakataon ang Startalk na makausap si Jimboy noong Huwebes at mapapanood ito ngayong hapon sa aming programa sa GMA 7 at bale ito ang kanyang huling television appearance.
Marian alagang-alaga ni AiAi
Alagang-alaga ni AiAi delas Alas si Marian Rivera sa pictorial nila para sa PinaSaya, ang coming soon na Sunday afternoon show ng GMA 7 at APT Entertainment.
Inalalayan ni AiAi si Marian na binigyan din niya ng mga advice tungkol sa pagbubuntis.
Tatlo ang anak ni AiAi kaya alam na alam nito ang mga dapat gawin ng isang buntis. Naging close sa isa’t isa sina AiAi at Marian nang magsama sila sa pelikula na Kung Fu Divas. Matunog na Kambal ang tawag kay Marian ng bida ng Let The Love Begin.
Minahan na binabalak sa Lobo, Batangas makakasira sa kapaligiran at kinabukasan
Hindi ko matanggihan ang imbitasyon ni Linggit Tan kaya dumalo ako sa meeting na ginanap sa Sulu Hotel noong Huwebes.
Topic sa meeting ang minahan na pinaplano na itayo sa Lobo, Batangas.
Matindi ang pagtutol ng mga residente ng Lobo dahil alam nila ang perwisyo na idudulot ng minahan sa kanilang bayan.
Present sa meeting ang environmentalist na si Gina Lopez, ang concerned residents ng Lobo na pinangungunahan nina Linggit, Amy Austria at Sandy Andolong. Naroroon din ang bise-gobernador ng Batangas province na si Mark Leviste.
Palaban ang mga residente ng Lobo na tutol na tutol sa pagtatayo ng minahan sa kanilang lugar. Gusto nila na aksyunan ng local government ang problema bago pa ito maging another case ng Torre de Manila na kung kailan mataas na mataas na ang building, saka umalma nang todo ang mga nagpoprotesta na ituloy ang construction ng condominium building na photo bomber ng monumento ni Gat Jose Rizal sa Luneta Park.
Gusto ng mga residente na magkaroon ng kasulatan tungkol sa ipinangako na suporta sa kanila ni Vice Governor Leviste para may pinanghahawakan sila na ebidensya.
Maayos na naipaliwanag ni Mama Gina sa mga complainant ang mga mangyayari kapag natuloy ang pagtatayo ng minahan sa Lobo, ang kapaligiran, kabundukan at karagatan na masisira.
Nang marinig ko ang klarong-klaro na explanation ni Mama Gina, nakumbinsi ako na dapat pigilan ang construction ng minahan habang may oras pa.
Totoo na maraming tao ang mabibigyan ng trabaho ng mining company pero mababale-wala ‘yon sa malalaking problema na ihahatid sa kabuhayan, kapaligiran at kinabukasan ng mamamayan ng Lobo.