GMA pinatunayan ang matinding suporta kay Pacquiao

MANILA, Philippines – Pinatunayan ng GMA Network ang tindi ng suporta nito para kay Manny Pacquiao nang pumayag itong i-waive ang kanilang exclusive TV airing rights  para sa nalalapit na laban ng Pambansang Kamao kay Floyd Mayweather Jr. ngayong May 2 sa Las Vegas.

"GMA Network recognizes the magnitude of this fight and we want every Filipino to be part of this momentous event and unifying experience," pahayag ni GMA Chairman and CEO Felipe L. Gozon.

Samantala, ang DZBB, Barangay LS at lahat ng RGMA stations nationwide, ang eksklusibong maghahatid ng laban sa radyo.

Ayon pa rito, kaisa ng bawat Pilipino ang GMA sa pagdarasal ng tagumpay ng Pound-for-Pound champion. Pinuri rin ni Gozon ang kahusayan ni Manny sa loob ng boxing ring at kung paano siya nagsisilbing inspirasyon para sa marami.

"Sa pagbanggit ng pangalang Manny Pacquiao, kaakibat na nito ang hindi masukat na laki ng puso at determinasyong magtagumpay sa harap ng anumang pagsubok," aniya. "Ilang beses na itong naipakita ni Manny sa kanyang mga tagumpay laban sa mas malalaking katunggali sa larangan ng boxing. Ito na rin ang pinaghuhugutan ng lakas ng mga kapwa Pilipino sa kanilang pagharap sa mga hamon ng buhay."

Kasalukuyang may show si Pacquiao sa GMA 7, ang MP Featuring Sport Science, habang ang mga nauna niyang laban ay eksklusibong napanood sa free TV sa GMA.

Sinabi naman ni Mike Enriquez, GMA consul­tant for Radio Operations, na nagagalak silang ma­ging bahagi ng nasabing makasaysayang laban, "We are proud to once again be a partner of Solar [Sports] in bringing the latest Pacquiao adventure, this time against Floyd Mayweather Jr., live and real time from Las Vegas."

Mapapanood sa GMA ang pinaka-aaba­ngang laban sa May 3 via delayed telecast, ha­bang mapapakinggan naman sa DZBB ang live blow-by-blow action sa parehong araw.

Show comments