Isinabay sa Semana Santa ang pagpapaayos, aktres halos mawalan ng butas ang ilong

Mahal na Araw na naman. Panahon ng pagbi-Bisita Iglesia. Panahon ng pagbabakasyon. Ang ibang personalidad ay nangingibang-bansa kapag ganitong panahon at ang karamihan naman ay kani-kanyang pili ng islang pagbabakasyunan nila.

Pero ito ang pinakahihintay na panahon ng mga personalidad na sa halip na magbakasyon ay mas gustong gamitin ang mahaba-habang panahon sa mas pagpapaganda pa ng kanilang mukha at katawan.

May kilala kaming babaeng personalidad na lihim na lihim ang ginawang pagpaparetoke. Denay siya nang denay na dumaan siya sa proseso ng enhancement, pero paano niya naman ‘yun maililihim, samantalang nag-Mahal Na Araw lang ay ibang-iba na ang kanyang itsura nang lumabas uli siya sa telebisyon.

Ang kanyang ilong na hindi naman katangusan ay biglang nagsuplada, tumangos bigla at halos wala nang butas ang kanyang ilong, walang maniniwala na walang naganap na milagro sa kanyang bagong itsura.

Kunsabagay ay puhunan naman nila sa pag-aartista ang kanilang itsura, pati ang hubog ng kanilang katawan ay puhunan din, pinagkakagastusan talaga nila ang pagpaparetoke.

Wala na halos totoong kagandahan ngayon, bibihira na lang tayong makakatagpo ng pesonalidad na hindi sumailalim sa enhancement pati ang nguso nila na maayos naman ay namamaga-nanunulis sa paggaya sa mga paborito nilang international performers.

Magaling pumili ng schedule ang mga artistang mahilig magparetoke. Kung kailan wala sa siyudad ang ating mga kababayan para magbakasyon sa malalayong probinsiya ay saka naman nila sinasamantala ang pagkakataon.

Pinagdamutan sila ng masarap na bakasyon pero mas gumanda naman ang kanilang itsura at katawan.

Ubos!

Albert agad-agad dapat magbakasyon

Tama lang na magbakasyon muna ang iniwang mag-aama ni Liezl Martinez. Kailangan nila ng pahinga, hindi basta-basta giyera ang sinuong nila mula nang magkasakit ang aktres, kailangan din nilang pansamantalang takasan ang mga kontrobersiyang pinagdadaanan nila ngayon.

Kahit sa malayong lugar ay siguradong ipagluluksa pa rin ni Albert Martinez ang pagkawala ng kanyang asawa, walang kahit anong magandang tanawin na makapagpapalimot sa kanya sa pagpanaw ni Liezl, pero kahit pansamantalang kapayapaan lang ng isip at kalooban ay kailangang-kailangan ngayon ng aktor.

Kailangan niyang makasama ang kanilang mga anak ni Liezl, ito ang pinakahinog na pagkakataon para maghiraman sila ng lakas ng loob, sa panahong ito rin nila mababalangkas ang kanilang mga plano dahil wala na ang ilaw ng kanilang tahanan.

Huwag na muna nilang intindihin ang ibang tao, ang kapayapaan ng kanilang kalooban ang pinakamahalaga ngayon, hindi ibang tao ang hahawak at guguhit ng kapalaran nilang mag-aama.

Isang araw ay matatapos din ang mga kuwento, mapapagod din ang mga humuhusga sa kanila, kahit nga ang araw na nagbibigay ng liwanag sa atin sa maghapon ay nagpapahinga rin sa gabi.

Laging maganda ang buhay.

Show comments