MANILA, Philippines – Pinagsama ng APT Entertainment sina Paolo Ballesteros at Alden Richards sa ika-labinlimang offering nito ngayong Black Saturday sa isang makabagbag-damdamin at punumpuno ng inspirasyon sa magkapatid na pinaghiwalay ng tadhana, ang Pag-Uwi.
Nagsimula ang tradisyon ng APT Entertaiment sa paghahandog ng mga makabuluhan at napapanahon na kuwento ng buhay sa episode na Marcelino noong taon na 2000. Nagtuluy-tuloy na ito at nagtampok nang mga bigatin at magagaling na artista gaya nina Susan Roces, Lorna Tolentino, Alessandra de Rossi, Dennis Trillo. Lovi Poe, Marian Rivera, Ryzza Mae Dizon.
Tunay naman kasing hindi malilimutan ang bawat obra na nagbibigay pa ng aral sa bawat palabas. Walang tapon ang bawat episode at collector’s item pang maituturing.
Ngayon ngang Abril 4, itong kuwento ng tandem nina Paolo at Alden ang siyang kaabang-abang.
Gagampanan ni Alden si Sam Carbonnel na isang mapagkalinga, mapag-aruga at mapagmahal na anak sa ina niyang ginampanan ni Chanda Romero. Bilanggo nga lamang ng pamilya si Alden na nagpapakihirap upang itaguyod ang magandang buhay ng ina.
Dumating kay Sam (Alden) ang hindi niya inaasahan nang hilingin ng ina niyang hanapin ang nakatatandang kapatid (Onyok/Paolo) bilang regalo sa kanyang kaarawan.
Bagamat atubili sa hiling ng ina dahil sa pagkamuhi sa kapatid na umiwan sa kanila, dumating ang takdang panahon upang harapin ang katotohanan! Isang tawag mula sa ospital ang natanggap ni Sam at sa muli nilang pagtatagpo sa Kuya Onyok niya, panibagong dagok ang nasaksihan niya dahil ang Kuya Onyok na ay naging Ate “Sophia” na niya!
Sa loob ng tatlong araw bago ang kaarawan ng ina kasama ang Ate “Sophia,” hindi mapagtanto ni Sam kung saan siya magsisimula at kung paano nila tatanggapin ng ina ang puwang na pinalalim na ng hinanakit at pinalawak na ang panahon.
Ang Pag-uwi ay mula sa panulat ni Michelle Ngu at direksiyon naman ni Marlon Rivera.
Tunghayan ang Pag-uwi sa Sabado de Gloria, Abril 4, 7:30 p.m. sa GMA Network.