‘Di pa talaga moment female personality hindi ‘natikman’ ang male singer nang magsama sila sa abroad

Siguro nga ay sobra-sobra ang pagmamahal ng isang female personality sa kaistasyon niyang male singer kaya ganu’n na lang ang kislap ng kanyang mga mata at lambing ng kanyang boses kapag natatanong siya tungkol sa kanyang dakilang pag-ibig.

Napapansin kasi ng mga nag-iinterbyu sa kanya na hindi siya masyadong interesado sa ibang tanong sa kanya pero kapag may nagbanggit na sa pangalan ng male singer ay para siyang kinukuryente.

Nagbabago na ang kanyang aura, para na siyang kinikiliti, talagang ramdam na ramdam ang sobrang pagkagusto niya sa male singer. Pero may resulta ba naman ang kanyang mga aksiyon?

Masayang-masaya ang female personality nu’ng bumiyahe sila ng male singer sa ibang bansa. Pagkakataon na nga naman ‘yun para sila magkalapit nang husto. Sila-silang mga artista lang ng kanilang network ang magkakasama sa bansang pinuntahan nila.

Kuwento ng aming source, “Wala, naunsiyami lang siya. Hindi kasi sila nagkaroon ng pagkakataon ni ____(pangalan ng male singer) na magkasolohan. Palagi silang sama-sama sa pamamasyal, sa pagdi-dinner, sa promo ng show nila.

“Pagbalik naman nila sa hotel, natutulog na agad ang dakilang pag-ibig niya, mailap sa kanila ang panahon, kaya umuwi ring luhaan ang girl,” kuwento ng aming impormante.

Matagal nang nagpapapansin ang female personality sa male singer, pero mukhang malabong mangyari ang gusto ng babae, kapag ang male singer naman kasi ang tinatanong ay tawa lang ito nang tawa.

Parang hindi naman sineseryoso ng male singer ang pagpaparamdam ng girl, parang hangin lang ‘yun na nararamdaman pero hindi nito nakikita, hindi pa nga siguro ito ang tamang moment para sa kanila.

Ubos!

Sen. Bong at Sen. Jinggoy araw-araw nagpipinetensya sa init ng selda

Tag-init na naman. Sobrang alinsangan. Nanunuot sa kalamnan ang sobrang init ng panahon. Sumasagi tuloy sa aming isip ang sitwasyon ng magkaibigang senador na nakapiit ngayon sa PNP Custodial Center.

Sementado ang kapaligiran, nasa labas lang ng kanilang detention cell ang malalaking puno, kaya kapag tanghali na ay para silang nililitson sa sobrang alinsangan.

Matagal nang nagdurusa sa matinding init sina Senador Jinggoy Estrada at Senador Bong Revilla. Electric fan lang ang gamit nila sa sementadong kuwartong ibinigay sa kanila, napakainit din sa labas ng kanilang detention cell, sila-sila na lang ang naglagay ng mga halaman sa paligid para kahit paano’y mabawasan ang init.

Hindi na kailangan pang dumating ang Semana Santa para sila magtika, ang araw-araw na buhay nila sa Custodial Center ay pagdurusa na. May mga bisita rin silang nagpapaalam agad sa takot na baka atakihin sila sa sobrang init na bakuran.

Kaya nga hindi nakapagtataka na kung anu-anong sakit ang nararamdaman ng magkaibigang senador, kumakagat talaga ang init sa kanilang kinaroroonan ngayon. Lumalamig na lang sa bandang gabi na hindi pa rin masasabing malamig talaga dahil sa mainit na singaw ng mga sinementong pader.

“Tiisan na lang talaga ang kailangan. Nakasasakit ng ulo ang sobrang init dito, kahit saan ka lumugar, mainit pa rin. Migraine talaga ang aabutin mo kapag ganito katindi ang init,” nagpapaypay na kuwento ni Senador Bong.

Unang Mahal Na Araw sa Custodial Center nina Senador Jinggoy at Senador Bong.

Show comments