PIK: Simula na ng Semana Santa pero abala pa rin ang MTRCB (Movie and Television Review and Classification Board) Chairman Atty. Toto Villareal sa pag-iikot sa mga terminal ng bus.
Inisa-isang tiningnan ng MTRCB Chairman ang mga bus sa Araneta terminal para matiyak na tama ang mga ipinapalabas na mga pelikulang mapapanood ng mga pasahero.
Kailangang sundin daw ng mga bus operator na puwede sa mga bata ang isinasalang nilang mga pelikulang napapanood sa pagbiyahe.
Ginagawa ito ni Chairman Villareal tuwing Semana Santa para matiyak na walang sex at karahasan ang mga pelikulang napapanood ng mga nagbibiyahe patungong probinsya.
PAK: Nag-post si Robin Padilla kahapon ng pic music sa kanyang Instagram (IG) account ng litrato ng Asian Hospital at mga damit pambata.
“Day of Acceptance,” sabi niya, sa litrato ng mga damit pambata ay may caption niyang “Day of Letting Go.”
Ito ay may kaugnayan sa miscarriage ni Mariel Rodriguez na dinamdam niya nang husto at hindi niya agad ipinatanggal ang fetus kahit sinabi ng mga doctor na patay na ito.
Samantala, marami rin ang naintriga sa hayagang pag-endorso niya sa Davao City Mayor Rodrigo Duterte para tumakbong presidente sa 2016 elections.
Nagpu-post siya sa kanyang IG account ng resulta ng survey na tumataas ang rating nito sa hanay ng mga presidentiable.
“We are ready,” sabi niya. Marami rin ang nagkomento na willing silang sumuporta.
BOOM: Bumalik na sa trabaho si Jolo Revilla kahapon bilang Vice Governor ng Cavite.
Nagbigay siya ng pahayag sa flag ceremony nila at nagpapasalamat siya sa lahat na mga suportang ibinigay sa kanya ng mga tagahanga niya lalo na ang mga taga-Cavite.
Doon ay sinabi niyang aksidente ang nangyari sa kanya at hindi totoo ang lumulutang na anggulong may suicide attempt.
Pero matinding trauma raw itong nangyari sa kanya, kaya hanggang ngayon ay takot pa raw siyang matulog sa kuwarto niya.
Natutulog daw muna siya sa kuwarto ng Mama niyang si Cong. Lani Mercado.
“Hindi ko pa kayang matulog sa kuwarto ko kasi may trauma pa talaga. Hindi mo maaalis eh,” pahayag ni Vice Governor Jolo.
Ayon kay Lani, dapat ay isang buwan pa raw siyang pinapagpahinga ng doktor pero nami-miss na raw ni Jolo ang trabaho, kaya pinayagan na rin siyang bumalik.
Malaki ang pasasalamat ni Jolo kay Jodi Sta. Maria dahil kahit anong busy nito sa taping sa Zambales, deretso raw agad sa kanya para samahan ito.
Pero higit sa lahat, nagpapasalamat si Jolo sa Diyos dahil binigyan daw siya ng pangalawang buhay.
Aniya; “Nagpapasalamat ako sa Diyos na binigyan niya ako ng second chance, and I know that this second chance, hindi ko ito sasayangin.”