PIK: Masaya si Heart Evangelista nang nakatsikahan namin sa Startalk nung kamakalawa ng hapon dahil nagkita na raw sila ng Daddy niya at matagal daw silang nagkausap.
Ang gusto sana ni Heart kasama si Sen. Chiz Escudero, pero tingin daw niya hindi pa sila ganun ka-ready kaya naghihintay lang daw sila ng tamang panahon.
Natuwa pa raw siya sa Daddy niya dahil kumpleto raw ito ng mga kopya ng kuha ng wedding nila ni Sen. Chiz.
Pati sa Facebook daw ng Daddy niya ay nandun din ang kanilang wedding video.
Kaya ramdam daw niyang handa na rin tanggapin ng kanyang pamilya ang mister.
Wala lang daw ang Mommy ni Heart nung dumalaw siya sa Daddy niya dahil nasa Amerika na raw ito.
Nakatakdang magbakasyon sa Japan ngayong Semana Santa sina Sen. Chiz at Heart. Karugtong pa raw ito ng kanilang mini-honeymoon.
PAK: Guest si Carla Abellana sa Startalk nung nakaraang Sabado para i-promote ang bagong programa niyang Karelasyon ng GMA News and Public Affairs na magsisimula na sa April 11.
Bitbit ni Carla ang cute na Yorkie puppy na ang buong akala namin ay kanya. Iyun pala, pag-aari iyon ni Tom Rodriguez na siya raw muna ang nag-aalaga. “Ako ang nagbi-baby sit ‘dyan,” pakli ng Kapuso actress.
Biniro namin kung bukod ba sa puppy na bini-baby sit niya, pati ba si Tom ay bini-baby din niya. Ngiti lang ang sagot ng aktres.
Hindi pa masagot ni Carla ang narinig naming magiging bahagi na siya ng Pari ‘Koy ni Dingdong Dantes.
Nabanggit niyang baka mid of this year na raw siya mag-soap uli, pero malakas ang bulung-bulungang papasok na raw ito sa Pari Koy.
BOOM: Masaya ang selebrasyon ng 63rd birthday ni Tirso Cruz III na ginanap sa Events Place ni Mother Lily Monteverde sa Valencia nung kamakalawa ng gabi. Nagbigay ng testimony si Tirso, at doon niya inilahad ang pinagdaanan nila nung nakaraang taon na kung saan na-diagnose siyang may Cancer of the Lungs.
Buo ang kuwento ng magaling na aktor kung paano nila ito tinanggap kahit hirap na hirap ang buong pamilya.
Inilahad ni Tirso ang proseso nang pagpapagamot hanggang sa inoperahan siya para tanggalin ang malignancy ng lump na tumubo sa kanyang lungs.
Hanggang sa natapos ang operasyon, na-check uli at nakumpirmang natanggal ito at pati ang ilang mga tumubo sa kanyang lungs ay nalamang benign na ito. Masayang ibinalita sa kanya ng doktor na 100 percent Cancer free na siya.
Masaya ang lahat sa magandang resulta ng operasyon at malaki ang pasasalamat sa Diyos na napagaling siya at ngayon ay okay na okay na ang kalagayan niya at bumalik na siya sa trabaho.
Kaya ibinahagi ito lahat ni Tirso kasama ang asawa niyang si Lyn Ynchausti dahil gusto nilang iparating sa lahat na walang makakapagpagaling sa ating lahat kundi ang Diyos lamang.
Saad ni Tirso; “I’m telling you this story not to put myself in the limelight as someone from showbiz na naka-experience ng ganitong harrowing experience, not to scare you of the sickness, but to let you know that God still creates miracles in our lives. That God is in the business of curing us.”
Malaki ang paniniwala niya sa mga doktor na nagpagaling sa kanya, pero alam daw niyang ginamit ng Diyos ang mga magagaling na doktor para magpagaling at makatulong sa mga may sakit, pero ang Diyos pa rin ang Greatest healer.
“Sabi nga nila, doctors may have the facts, but God has the truth,” sabi pa uli ni Tirso.