Nakakaaliw pakinggan ang mga kuwento ng isang grupo ng mga balikbayan tungkol sa isang babaeng personalidad na madalas nilang makita nu’n sa ibang bansa sa isang lugar lang.
Sa isang mausok at maingay na lugar na paboritong pinagbababaran ng mga taong naglilibang lang ang iba at ang iba naman ay lulong na.
Monologue ng tropang balikbayan, “Ilang beses namin siyang nakikita sa place na ‘yun. Halinhinan namin siyang nakikita, iba-ibang araw, dahil nagtatrabaho kaming lahat. Nagpupunta lang kami du’n for fun, para makapag-relax lang, double job kasi kami, kaya kailangan naming mag-unwind paminsan-minsan.
“Pero si (pangalan ng female personality), parang du’n na siya nakatira, hindi na siya umuuwi, dahil ‘yun pa ring damit na suot niya na nakita ko ang nakikita sa kanya ng mga friends namin.
“So, kung four days kaming halinhinang nagpunta du’n ng mga Pinoy friends ko, tapos, ‘yun din ang damit niya na nakita naming lahat, hindi nga siya umuuwi! Talaga palang halos du’n na siya nakatira!” kuwento ng aming impormante.
Nang magpunta ang tropa sa nasabing bansa ay kasikatan pa ng aktres na tinutukoy nila, pero hindi sila nagpapahalata, umikut-ikot na kasi ang kuwento na kapag nakausap nila ang aktres ay mauuwi ‘yun sa kanyang pangungutang.
“Nakakaloka lang dahil pinabayaan na niya ang sarili niya. Sobrang kulubot na ang balat niya lalo na ang mga kamay niya. Ang mga kuko niya, iba na ang kulay, bakit siya nagkaganu’n?
“Kung four days siyang nandu’n lang, ang ibig sabihin nu’n, e, hindi rin siya naliligo. Kasi, kung umuuwi siya at naliligo at saka na lang siya uli bumabalik sa place na ‘yun, dapat, e, nagbibihis siya ng damit, right?
“E, kahit naman pala rito, ganu’n din ang ginagawa niya, kaya wala nang bago tungkol du’n. Nakakapanghinayang lang siya, nakakaawa at the same time, kasi nga, napabayaan na niya ang katawan niya!” impormasyon pa ng aming source.
Ubos na ubos!
OA daw ang kuwento ng ‘loveteam’ nina Andrew kaibigan ni Melissa nagsalita na sa airplane scandal
Habang pinagtutulungan nina Andrew Wolff at Rey Pamaran si Melissa Mendez tungkol sa hindi kagandahang engkuwentro nila sa eroplano ay maraming nagtatanong. May mga kasama namang kaibigan si Melissa sa nasabing flight, pero bakit nananahimik ang mga ito, bakit hindi man lang nila sagipin ang kanilang kaibigan sa sobrang kahihiyang inabot nito?
Kaliwa’t kanang masasakit na pahayag na ang binibitiwan ng tandem nina Rey at Andrew laban kay Melissa, pero walang kahit sinong nagasalita mula sa kampo ni Melissa, natatakot ba sila?
Sa wakas, pagkatapos nang ilang araw, ay nagsalita na rin si Malu Barry tungkol sa insidente. Ayon sa singer ay masyadong OA ang mga kuwentong inilalabas ng “loveteam” nina Rey at Andrew, napakasimple lang daw ng isyu, pero sobrang pinalaki na ng dalawa.
Hindi rin daw totoong nanakit ng flight attendant si Melissa, kung meron mang umaray ay hindi ‘yun sinasadya ng aktres, dahil maraming umaawat sa kanila ni Pamaran habang nagdidiskusyon sila na nauwi na nga sa pananampal ng aktres sa maingay na lalaki.
Awang-awa si Malu sa kanyang kaibigan, napakarami na raw nasabi ng mga nakalaban nito, samantalang puwede na lang namang pag-usapan ang naganap sa maayos na paraan.
Siyam sa bawat sampung nakakausap namin ay hindi paborable sa sobrang kadaldalan nina Pamaran at Andrew, sa kanilang paglalarawan ay baliktad ang resulta, “Parang silang dalawa pa ang babae sa sobrang kadaldalan nila. Hindi maganda ang kanilang ugali.
“Kahit pa si Melissa na ang mali, babae ang kalaban nila, hindi sila dapat nagpakita ng kawalan ng respeto dahil may nanay at mga kapatid din silang babae,” madiing sabi pa ng isang nakausap namin.