MANILA, Philippines – Isang natatanging palabas ang hatid ng Rotary International District 3830 sa tulong ng Royale Chimes Concerts & Events, Inc. Pinamagatang The World Famous Elvis Show, ito ay magtatampok sa Elvis Presley tribute act ni Chris Connor at ang banda niyang The Steels.
Si Chris Connor ang kauna-unahang binigyan ng ‘World’s Best Elvis Performer’ award via worldwide official fan poll. Ibinigay ang naturang parangal nung nakaraang taon kaugnay sa pagdiriwang ng Elvis Week sa Memphis na siyang hometown ng King of Rock and Roll.
Ang The World Famous Elvis Show ay gaganapin sa April 24,-26, 8 p.m. sa Newport Performing Arts Theater ng Resorts World Manila.
Sa palabas na ito’y muling bibigyang buhay ni Chris Connor ang highlights sa memorable concerts ni Elvis na That’s the Way It Is at ang sold-out show niya noong 1972 sa Madison Square Garden, New York.
Ilan sa mga kanta kabilang sa concert ay Proud Mary, Can’t Help Falling in Love, Hound Dog, Blue Suede Shoes, at marami pang iba.
Walang duda na mag-e-enjoy ang audience sa show na ito dahil kamukhang-kamukha at ka-boses talaga ni Elvis Presley si Chris Connor.
Ito rin ang dahilan kung bakit sold-out ang shows ni Chris Connor sa Europe, Australia at US.
Pati na si Joe Esposito, ang bestfriend at kanang kamay ni Elvis sa halos 17 taon, ay namangha at bumilib sa husay ni Chris Connor nang mapanood niya itong mag perform. Mabibili ang tickets sa Ticketworld, SM Tickets at Ticketnet outlets.