Masamang-masama ang loob ng isang pamosong doktor na regular na pinupuntahan nu’n ng isang young actress. Ang nasabing doktor kasi ang nagbago sa mukha at katawan ng young actress. Kuko na lang siguro ng young actress ang hindi pa nareretoke ng mahusay na doktor.
Anumang oras ay puwede siyang magpunta sa clinic ng kanyang paboritong doktor. May sumilip lang na taghiyawat sa kanyang mukha ay injection na agad ang katapat nu’n para mawala-lumubog.
Ang doktor din ang nag-opera sa kanyang ilong na dati’y may magkabilang pakpak, hindi totoong dati nang matangos ang kanyang ilong, produkto ‘yun ng siyensiya.
May iniinom ding pampakinis ng balat ang young actress, mula raw ‘yun sa pinung-pinong perlas na kinapsula na nagpapawala ng mga pekas, nakikita naman natin ang positibong epekto nu’n sa kakinisan ng kutis ng young actress.
Isang araw ay nagulantang na lang ang mga staff at doktor, napanood ng mga ito sa isang show ang young actress na ibang doktor na ang pinasasalamatan, ang nasabing doktor daw ang dahilan ng kanyang magandang mukha, kutis at katawan.
Anyare? Ang unang doktor ang nagbayo at nagsaing pero bakit ibang doktor ang kumain? Napag-alaman ng kampo ni dok na tinanggap pala ng young actress ang pag-eendorso ng ibang klinika na kakambal ang malaking halaga.
Nasilaw ang young actress sa ibinayad sa kanya ng bagong doktor, binalewala niya ang maraming taon ng pag-aalaga sa kanyang mukha at katawan ng una niyang doktor, kung ganu’n ay totoo pala ang bintang sa young actress ng isang nakaaway niyang female personality na puro pera lang ang mahalaga sa kanya.
Salamat po, doktor, bow! Ubos!
Melissa hindi inirespeto
Anuman ang pinagsimulan ng komosyon sa eroplano sa pagitan ni Melissa Mendez at ng isang Rey Pamaran ay hindi pa rin maganda sa panlasa ang pagpatol sa babae ng isang lalaki.
Pinakaunang katangian ng pagiging lalaki ang pagrespeto sa kababaihan. Kapag wala nu’n ang lalaki ay itinuring siyang bastos, kapos sa pagrespeto, walang pagpapahalaga sa kanyang ina at mga kapatid na babae kung meron man.
Ipagpalagay nang lumabis sa linya ng kagandahang-asal si Melissa, ang pambabastos sa babae ng isang lalaki ay hindi pa rin hinihingi sa isang sibilisadong lipunan, kalabisan pa rin ‘yun sa nararapat lang.
Hindi rin kami sumasang-ayon sa komento ng iba na bading ang nakaengkuwentro ni Melissa, wala ‘yan sa kasarian, maraming bakla sa mundo na kung rumespeto sa kababaihan ay walang katapusan.
Hindi rin gawain ng isang tunay na lalaki ang inasal ni Andrew Wolff na paglalabas ng video sa kanyang Instagram account, ang pagrespeto sa kababaihan ay sinusukat sa harapan at talikuran, binura man nito ang video ay mas nauna na ang pangwawasak ng aktor-modelo sa imahe at pagkatao ni Melissa Mendez.
Marami nang isyung kinasangkutan ang Cebu Pacific. Madalas silang ireklamo ng kanilang mga pasahero sa laging pagiging late, sa pagbabagu-bago ng kanilang flight schedule, kamakailan lang ay pinatawan sila ng parusang pagbabayad sa mga pasaherong nabimbin nang mahabang panahon sa airport dahil sa magulo nilang pamamalakad.
Ang pasahero ng eroplano ay kostumer. Kliyenteng nagbayad para sa kanyang upuan. Wala dapat tinititigan at tinitingnan lang ang pamunuan ng isang kumpanya ng airline.
Ang usapin dito ay hindi ang mabahong hininga. Ang dapat bigyang-pansin sa kontrobersiyang ito ay ang maruming bibig na dapat pagmumugin ng asido.