Sa isang gym lang madalas magpunta ang isang young singer-actress at ang aming mga impormante. Kaswalan lang ang eksena, walang pansinan, magiliw raw naman ang young female personality sa lahat ng mga ka-gym niya.
Palagi siyang nakangiti, walang kaarte-arte sa katawan, lalong walang nararamdamang pagiging feeling ang mga ka-gym niya sa young singer-actress. Sikat na, magaling pang kumanta, mabait pa raw ang batambatang personalidad.
Pero may kuwento tungkol sa pagdyi-gym ng young singer-actress, bumibida ang kanyang mommy sa istorya, malapit na pala itong pagbawalang sumama sa kanyang anak sa pag-eehersisyo.
Kuwento ng aming source, “Palagi niyang kasama sa gym ang mommy niya at ang alalay niya. Talagang nakabuntot palagi kay ____(pangalan ng sikat na young singer-actress) ang nanay niya. Kahit saan siya magpunta, anino niya ang mommy niya.
“Habang nag-e-exercise siya, e, kain naman nang kain ang mommy niya. Nagbabaon siya ng kung anu-anong kukutin, lafang siya nang lafang, kaya maraming mugmog na nahuhulog sa sahig. Linis lang naman nang linis ang janitor sa pagdudumi ng mommy ni young singer-actress!” kuwento ng aming impormante.
Pinagbawalan ng management ang dakilang ina ng girl, pero mukhang hindi naman nakinig, kaya nagpaskel na ang mga namamahala ng gym ng mga bawal gawin sa nasabing lugar.
Pero hindi pa rin tumigil ang nanay, kain pa rin ito nang kain habang naghihintay na matapos mag-gym ang kanyang anak, kaya napilitan na ang nagma-manage ng gym na tumawag sa management na humahawak sa career ng young singer-actress.
Tinigilan ng mommy niya ang kakakain at kakakalat sa gym dahil sa sinabi ng kausap nito, “Mommy, behave-behave lang tayo kapag may time. Sa van n’yo na lang kayo kumain. Ex-deal lang natin ang gym na pinupuntahan ng anak n’yo.
“Sige kayo, kapag hindi kayo sumunod, lilipat na ng gym ang anak n’yo! May bayad na, maglalabas na kayo ng pambayad!” tawa nang tawang kuwento ng aming source.
Tunay ka, kuripot nga si mommy, super-kuring! Ubos! Ha! Ha! Ha! Ha!
Coach Freddie Roach kontrang-kontra sa litanya ni Pacman
Kontrang-kontra pala si Coach Freddie Roach sa litanya ni Manny Pacquiao na “The Lord will deliver his hands to me” kapag tinatanong ang Pambansang Kamao kung kaya ba niyang talunin si Floyd Mayweather, Jr. sa darating nilang salpukan.
Hindi pinanghihimasukan ng trainer-coach ni Pacman ang kanyang relihiyon, nirerespeto nito ang kanyang konbiksiyon, pero sana raw naman ay huwag lang iasa ni Manny ang kanyang kapalaran sa Panginoon.
Suporta ng Diyos at pagpupunyagi ni Pacman ang nakikitang dahilan ni Coach Freddie Roach bilang susi sa kanyang tagumpay. Naniniwala ito sa tulong ng Diyos pero ayon na rin sa coach ni Pacman, “Do your best and God will do the rest.”
Na totoo naman. Hindi natin puwedeng iasa sa Diyos ang lahat ng bagay, kailangan paghirapan natin ang inaasinta nating tagumpay, napakalaki ng tulong na magagawa ng mga panalangin pero kailangan pa rin nating magbanat ng buto para matupad ang ating pangarap.
Nawala na raw kasi ang pagiging agresibo ni Pacman mula nang bigyan niya nang matinding atensiyon ang relihiyon. ‘Yun ang kailangang bumalik, ayon kay Coach Freddie Roach, dahil hindi biro ang sasuungin niyang laban sa darating na May 2.
Wala pang talo si Floyd Mayweather, Jr., matagal na panahon ang kanilang hinintay para matuloy ang kanilang duwelo, tinanggap ni Pacman ang hamon ng madaldal na boksingero kaya kailangan niyang paghandaang mabuti ang kanilang paghaharap sa ring.
Sabi pa ni Coach Freddie Roach sa isang panayam, “Of course, we all believe in the Lord. But nothing will happen if we will not move.”
May katwiran ang katwiran.