Nagtagal ako sa presscon ni Edu Manzano noong Lunes dahil napasarap ang kuwentuhan namin.
Marami naming napagkuwentuhan, ang former sexy star na nali-link ngayon sa isang kontrobersyal na personalidad kaya bongga na ang lifestyle. Nakaka-intriga ang kuwento tungkol sa ex-sexy star kaya pag-aaksayahan ko siya ng panahon. Iimbestigahan ko kung true or false ang natsitsismis na relasyon nila ng powerful personality.
Edu nag-iisang namumuhay
Hindi ko na kinumusta kay Edu ang kanyang lovelife dahil hindi rin naman siya magkukuwento.
Saka walang maniniwala na walang lovelife si Edu dahil ito ang hinahabol ng mga babae, lalo na’t alam nila na nag-iisa siya na namumuhay sa kanyang condominium unit, somewhere in Quezon City.
Mahirap nang mahagilap si Edu dahil busy siya sa tapings ng Bridges of Love at kung walang work, ang business niya ang kanyang pinagkakaabalahan, ang tatlong restaurants na magiging apat na.
Isa si Edu sa mga may-ari ng Erwin’s Gastropub, ang sosyal na restaurant sa City of Dreams. Gulat na gulat ang mga reporter na nag-midnight snack sa Erwin’s Gastropub pagkatapos ng wedding reception nina Heart Evangelista at Senator Chiz Escudero.
Sosyal na sosyal kasi ang lugar dahil parang Amerika ang ambience at wala silang kaalam-alam na isa si Edu sa mga may-ari ng Erwin’s Gastropub.
Amalia kinaawaan sa hindi pagkakasali sa cremation ni Liezl
Noong Lunes ko rin nalaman ang eksena ni Amalia Fuentes sa cremation ceremony para sa kanyang anak na si Liezl Martinez sa Arlington Chapel sa Araneta Avenue, Quezon City.
Ipinakita rin sa TV news programs noong Monday night ang kusang-loob na pagpapainterbyu ni Amalia sa mga TV crew na nakabantay sa harap ng Arlington Chapel.
Limitado ang report dahil sa kakulangan ng oras pero mapapanood sa Internet ang unedited interview kay Amalia na nagbuhos sa media ng sama ng loob.
Marami ang nagkuwento sa akin na napaiyak sila habang pinapanood ang mga emote ni Amalia dahil na-feel nila ang damdamin niya bilang ina.
Naka-confine si Amalia sa isang ospital at lumabas lamang siya para dumalo sa cremation ng labi ng kanyang anak.
Isa si Amalia sa mga artista na prangka at sinasabi ang mga nararamdaman kaya it’s no wonder na hindi niya napigilan ang sarili na magsalita at sabihin sa media ang mga sama ng loob na bahagi ng kanyang pagluluksa.
Very positive ang attitude ni Winwyn Marquez kesehodang Luz Valdez siya sa Bb. Pilipinas 2015.
Winner pa rin ang pakiramdam ni Winwyn dahil sa encouraging words na natatanggap mula sa mga tao na hindi niya personal na kilala pero nagagalit dahil hindi siya nagkaroon ng puwesto sa Bb. Pilipinas.
Nakakataba naman talaga ng puso ang mga komento na higit na may karapatan si Winwyn na maging beauty queen kesa sa ibang mga nanalo.
Hindi pa naman end of the world para kay Winwyn dahil bata pa siya. Puwedeng-puwede pa si Winwyn na sumali sa mga susunod na taon, 2016 at 2017, tulad sa ginawa nina Mary Jean Lastimosa at Pia Wurtzbach na nawalan ng boses dahil saka niya naramdaman ang stress matapos ang coronation night noong Linggo.
Pinupuri ang intelligent answer ni Winwyn sa question and- answer portion at ang confident na pagrampa niya sa stage na itinuro ng kanyang Tita Melanie Marquez na icon pagdating sa rampahan.