MANILA, Philippines – Malaking bahagi na ng buhay natin ang Internet at social media. Halos araw-araw saan man tayo magpunta o anumang oras ay binibisita natin ang Internet. Mas napabibilis na kasi ngayon ang pagkalat ng impormasyon at balita sa mga social networking sites gaya ng Facebook at Twitter. Kaya naman hindi pahuhuli ang Pilipino Star NGAYON (PSN) sa mga in at trending na balita.
Nagsimula ang online version ng PSN, 15 years ago at pinatunayan ng inyong paboritong tabloid na hindi lang sa circulation ito malakas kundi maging online. Milyun-milyon na ang online readers at maging shares ng mga maiinit na tsismis at balita sa mga paboritong social networking sites.
At dahil mas abot-kamay na ngayon ang PSN sa pamamagitan ng online version nito, ito na ang madalas pagkunan ng balita ng ating mga kababayang naghahanap buhay sa ibang bansa. Kaya naman kahit nasa malayong lugar sila, parang nasa ‘Pinas na rin sila.
Isa ngang kaibigan ko na OFW ang labis na nagpapasalamat dahil naging libangan nila ng mga kasamahang Pinoy ang pagbabasa sa www.philstar.com/ngayon ng latest tsismis at balita. Lagi raw silang updated sa mga nangyayari sa bayang iniwan upang mabigyan ng magandang buhay ang kanilang mga pamilya.
Nangunguna rin ang online version ng PSN dahil eksakto pagpatak ng alas-dose ng hatinggabi ay mababasa na ang mga tsismis at balita sa isyu para sa araw na iyon. Minsan pa nga sa isang thanksgiving lunch, inamin ni Kane Choa, ABS-CBN Head of Corporate Affairs & Public Relations na isa siya sa maraming nag-aabang tuwing alas-dose ng madaling araw para sa mga latest hot issues ng PSN.
Patok na patok naman talaga ang PSN online lalo na sa showbiz section dahil sa rami ng nagbabasa at nagku-comment sa mga article patungkol sa kanilang idolo. May mga nagbabalitaktakan at makikita ka pang nag-aaway dahil lang sa topic ng mga article ang kanilang paboritong artista.
Favorite patusin ng netizens at i-share at mag-comment sa mga post na tungkol kina Sarah Geronimo at Marian Rivera. Mabentang-mabenta noong nakaraang taon ang isyu tungkol sa pag-amin nina Sarah at Matteo Guidicelli sa kanilang relasyon.Talagang sinubaybayan ng netizens ang mga article patungkol sa showbiz couple na ito.
Hindi rin naman nagpahuli si Marian, nagwawala ang kanyang fans sa pagtatanggol sa kanilang idolo patungkol sa tinaguriang “royal wedding” nila ni Dingdong Dantes. Marami ang namangha sa kasalan nilang iyon at marami rin naman ang may mga masamang komento.
Maging ang balita tungkol sa pagbisita ni Pope Francis nitong buwan ng Enero, mapa-positive man o negative ay talaga namang pinagpiyestahan ng netizens.
Malakas din ang hatak ng mag-inang Kris Aquino at Bimby Aquino Yap. At halos maggiyera na ang supporters at bashers ng Presidential Sister at anak nito kapag may balita patungkol sa kanila.
Sa Facebook at Twitter madalas i-share ng netizens ang mga article na kanilang pinag-iinteresan. Dito kasi may mataas na porsiyento ng ating mga kababayan ang gumagamit.
Mayroon din naman na pinag-uusapan sa mga forum websites ang blind items na ating inilalabas. May isang forum akong nabisita at laking gulat ko na halos lahat ng blind items ng PSN at Pang-Masa (PM) ay hinuhulaan ng netizens.
Paborito nilang hulaan at minsan okrayin ang mga blind item ni Cristy Fermin. Mabenta rin ang mga pasundut-sundot na blind items ng aming entertainment editor Ms. Salve V. Asis, maging nina Nitz Miralles, Aster Amoyo, Kuya Germs at Veronica Samio. Basta blind item ay talagang mabenta pa rin sa mga mambabasa sa dyaryo man o online.
Grabe rin ang reaction ng readers sa columns nina Lolit Solis at Boy Abunda. Isang basehan na maraming nagbabasa ng mga sinusulat nila ay ang dami rin ng bashers particular na ni Tita Lolit. Walang araw na walang reaction ang readers sa column ni Tita Lolit.
Isa ang PSN sa diyaryo na may pinakaunang website kaya naman lamang na lamang na ito sa mga kapanabayang tabloid na hindi pa natatagalan sa paglalagay ng website.