Sising-alipin na siguro ngayon ang isang female singer na siya mismong sumira sa kanyang imahe bilang anak ilang buwan na ang nakararaan. Wala siyang ibang puwedeng sisihin, ang sarili lang niya talaga, dahil siya ang nambastos sa kanyang magulang nang lantaran sa publiko.
Naging kontrobersiyal siya, kaliwa’t kanan ang exposure sa telebisyon at sa mga pahayagan, pero habang nagsasalita siya nang laban sa kanyang magulang ay lalo lang niyang ibinabaon sa putik ang kanyang sarili.
Wala siyang pinakikinggan nu’n, inaaway pa niya ang mga kaibigan at katrabaho niyang nagpapayo na tigilan na niya ang pakikipag-away sa taong naging dahilan kung bakit siya isinipot sa mundo, palalo ang babaeng singer na ito.
Pagpuna ng isang kaibigan naming propesor na ipinaglihi sa napakaasim na kamias, “Hindi naman siya magaling na singer. Naging singer lang siya dahil sa tatay niya. Kundi sa kasikatan ng father niya, nakaalagwa kaya siya?”
Fast forward na tayo sa kasalukuyang sitwasyon ng alibughang anak. Inaway niya ang kanyang magulang, nagkahiwalay sila ng kanyang karelasyon, nganga siya ngayon dahil sa kawalan ng trabaho.
May pakonti-konti namang grasyang pumapasok sa kanyang bulsa, pero hindi tulad nu’n, dahil inaalalayan siya ng mga kaibigan ng kanyang tatay.
Bastusin mo ba naman ang magulang mo na parang hindi ka na sisikatan ng araw kinabukasan, ano ang inaasahan mo, magandang suwerte at kapalaran?
Natural, nakikisimpatya ang mga katrabaho niya sa kanyang tatay, alangan namang siya pa ang kampihan ng mga ito? Kailan pa pinalakpakan ang walang utang na loob na anak?
Kaya nganga ngayon ang alibughang anak, sira na ang kanyang image, wala pa siyang trabaho dahil sa kanyang mga kalokahan.
Ubos na ubos!
Para lang daw mapuno ang Araneta tulad sa kanyang Ate tickets sa concert ni Alex, tiyak daw na ipamumudmod ng kanyang nanay
Nakakaawa naman si Alex Gonzaga. Pumayag lang siyang magka-concert sa Smart Araneta Coliseum, siya pa ang pinakakain nang pagkapait-pait na apdo ngayon, walang naniniwala sa kanyang kakayahan na mapupuno niya ang Big Dome.
Filinggera. Ganu’n ang ikinakapit na salita sa dalaga ngayon. Ang dami-dami pang nagpapatunay na kung ang ate nga raw niya ay hindi nakayang punuin ang Araneta Coliseum, ipinamigay lang daw ng mother dearest nila ang mga ticket, kaya tinao ang concert ni Toni.
Komento pa ng isang nakausap namin, “Pakisabi nga kay Alex, tutal naman, e, ginagawa niya ang remake ngayon ng Inday Bote ni Maricel Soriano, isama na niya sa listahan ang remake ng Ambisyosa ni Glydel Mercado.
“Nilalagnat ba ang batang ‘yun? Nahihibang na ba siya? Araneta Coliseum ba kamo? Baka naman nagdedeliryo na siya?” napakaasim na komento.
Baligtarin naman natin ang sitwasyon. Paano kung mapuno nga ni Alex Gonzaga ang Big Dome dahil may boses din naman siya at pagdating sa pagiging komedyante ay kabog na kabog niya ang ate niya?
Paano kung umawas ang manonood sa unang major concert niya, kesehodang ipinamigay pa ni Mommy Pinty ang mga ticket, ‘di ikukumpara na siya kay Pops Fernandez bilang Concert Queen?
Maraming milagrong nangyayari sa iba’t ibang hugis, paraan at pagkakataon. Hindi natin alam kung saan ‘yun nanggagaling at kung paano nangyayari.
Sa rami ng mga biyayang nahuhulog sa lupa mula sa langit ay makasambot sana si Alex Gonzaga.
Makasalo sana siya nang maraming-marami para maging matagumpay ang concert niya.