Pati mga artista sa Hollywood at mga international celebrities ay nagkakampi-kampihan sa kung sino kina Floyd Mayweather, Jr. at Manny Pacquiao ang bet nila sa magaganap na Fight of the Century sa May 2.
Si Justin Bieber agad nang kumampi sa Amerikanong kampyon sa boksing. Pero hindi naman patatalo ang Pambansang Kamao na matagal nang iniidolo ni Liam Neeson.
Bagaman at palaging itinataas ni Pacman ang bandila ng Pilipinas pagdating sa boksing, hindi maaprubahan ng Kongreso ang exemptions na hinihingi ng kanyang kampo sa BIR. Hindi rin pinapayagan ang marami niyang absences sa mga sesyon ng Kongreso, na sa pakiramdam ko ay nararapat dahil kung pagbibigyan ang pagliban niya sa kanyang trabaho, anumang dahilan meron siya, dapat walang exemptions, dapat payagan na rin ang lahat.
Ngayon nahahati ang panahon niya sa boksing at pulitika, dapat ay pumili lamang siya ng isa. He should not have run for public office and stick to his sports kung ganyang hindi pala niya mapapangatawanan ang kanyang gawain sa Kongreso.
Matapos ang boksing, basketball naman kaya ang aagaw ng kanyang panahon? Dapat ipagkatiwala niya ang pagiging pulitiko sa mga taong may panahon na magsilbi. Tsk. Tsk. Tsk.
TV5 naka-jackpot sa Wattpad
Nakatyempo ng palabas ang TV5 sa kanilang serye ng Wattpad Presents na nagtatampok ng kuwento na gustung-gusto ng mga kabataan dahil bukod sa nakaka-relate na sila ay pinapakilig pa rin sila.
Dahil sa napaka-matagumpay na first season ng Wattpad Presents, muli itong magkakaro’n ng Season 2 na magsisimulang mapanood sa March 16 at magtutuluy-tuloy na hanggang April 13.
Apat na kuwento ang mapapanood, una ang Heartbreaker (March 16-20) starring sina Carl Guevara at ang sikat na YouTube blogger na si Donalyn Bartolome at si Joey Loyzaga; My Ex, My Professor (March 23-27) na tampok ang Mr. International na si Neil Perez at Isabela de Leon; Lady in Disguise (March 30-April 3), Steven Silva, Eula Caballero, at Bret Jackson at ang pinaka-huling episode (April 6-10) na The Magic in You starring Mark Neumann at Shaira Mae.
Ang The Magic in You episode ay kukunan ng buong-buo sa Hong Kong Disneyland habang ang My Ex, My Professor ay tatampukan ng sikat na pulis na nanalong Mr. International. Dahil sa kanyang trabaho, malilimitahan ang pagtanggap ni Neil Perez ng mga assignments sa TV man o pelikula. Ang episode sa Wattpad Presents ay isa sa mga maisisingit niya sa pagpu-pulis niya.
Mapapanood ang Wattpad Presents, Lunes hanggang Biyernes, 9 p.m. sa TV5.
Edgar Allan malaki ang tiwalang hindi aagawin ni Mark Neumann ang girlfriend
Very proud si Edgar Allan Guzman sa gilrfriend niyang si Shaira Mae dahil maganda ang itinatakbo ng career nito sa iniwan niyang TV5. Habang nagpapakatatag siya para maiangat ang kanyang career sa bago niyang network na ABS-CBN, patuloy naman ang pag-angat ng loveteam nina Shaira Mae at Mark Neumann sa Kapatid Network. Dahil sa matatagumpay nilang pagtatambal, pinagsama silang muli sa Season 2 ng Wattpad Presents, nakakaapat na silang pagtatatambal at ang Wattpad episode nila ay kukunan sa Hongkong Disneyland.
Ideal ang loveteam kahit pa taken na si Shaira Mae. Sa kabila ng kasikatan ni Mark, walang takot si Edgar Allan na baka maagawan siya ng girlfriend. Malaki ang tiwala niya hindi lamang sa girlfriend niya kundi maging sa kapareha nito. Alaga ni Mark ang tiwala at respeto ng boyftriend ng ka-loveteam niya.
Ayaw namang sabihin ni Carl Guevara na naka-move on na siya sa hiwalayan nila ni Kris Bernal dahil never naman nilang inamin na nagkaro’n sila ng relasyon.
Masaya na siya sa bago niyang network, ang TV5 na kung saan ay patuloy siyang binibigyan ng trabaho. Choice niya na huwag munang magka-girlfriend at mag-focus sa kanyang career. Enjoy naman siya sa kanyang single blessedness. Pero kung may dumating kahit hindi siya naghahanap, at feel naman niya, eh ‘di go!
Nasa cast siya ng 2nd season ng Wattpad Presents, sa episode na Heartbreaker.