Bukod sa sariling serye na Inday Bote sa ABS-CBN with Matteo Guidicelli and Kean Cipriano na magsisimulang umere sa Lunes, solo concert sa Araneta sa April 25 na pinagtataasan daw ng kilay ng mga legitimate singer, heto at nagkaroon na ng launching ang debut album ni Alex Gonzaga under Star Music, entitled I Am Alex G.
At in fairness sa mga narinig naming kanta ni Alex sa album, mas hamak na mas magaling siyang kumanta sa kanyang ate na si Toni.
Naglalaman ng anim na cuts ang album na ang carrier single ay Panaginip Lang. Kasama rin ang mga kantang, ‘Di Ko Akalain, Alam Mo Na ‘Yan, Boyfriend, Break Na Tayo and Goodbye Kiss.
“Pangarap ko talaga na magkaroon ng album. Isa sa mga ginagawa ko noong bata pa, kumakanta ako kasabay ng Ate (Toni) ko,” pag-aalala ni Alex.
Dahil included na naman sa album niya ang Break na Tayo na nauna na niyang ginawan ng kuwento sa libro, hindi na nakatiis si Tita Ethel Ramos at tinanong na siya kung sino ba talaga ang lalaking nag-break ng heart niya na pinagkakitaan niya ngayon kaya dapat na bigyan ng komisyon. “Wala naman hong particular,” sagot niya. Lahat daw ng klase ng break ups ang isyu sa nasabing libro at kanta.
Lahat original ang anim na kanta na ang iba ay personal na sinulat niya.
Pop ang genre ng album ni Alex kaya naman ikinukumpara siya kay Sarah Geronimo. Pero ayon kay Alex ayaw naman niyang isipin na siya ang papalit kay Sarah.
Maging sa kapatid niyang si Toni ay ayaw makumpara ni Alex. Magkaiba raw ang boses nila at line up ng songs. “Kasi ang ate ko matinis ang boses. Ako manipis lang,” sabay tawa ni Inday Bote.
Pero kahit mabilis ang bulusok ng career niya dahil may show, concert at album ayon kay Alex marami pa siyang gustong gawin.
Merong minus one ang lahat ng tracks sa CD.