Wala akong kaalam-alam, pero kung nawala man sa eksena ng showbiz ang alaga kong si Hero Angeles ay may iba naman itong pinagkakaabalahan, ang pagpipinta. Ni hindi ko alam na may ganito palang talento si Hero na ibinabahagi niya sa maraming marunong magpinta pero hindi alam kung paano makapagsisimula.
Nagbibigay ng workshop ang dating artista sa mga nangangailangan. Siya rin naman ay sa ganitong paraan nalaman na may mahuhusay siyang kamay na maaaring gumuhit. Marami na siyang naiipong painting na anumang araw at puwede niyang ilagay sa isang exhibit hindi lamang para maipamalas ang kanyang kakayahan kundi para mahimok ang maraming kabataan kung saan hahantong ang kanilang nalalaman.
Proud ako sa dating ka-loveteam ni Sandara Park na bukas makalawa ay makakasunod din sa matagumpay na yapak ng Koreana, hindi nga lamang sa mundo ng entertainment kundi sa sining ng pagpipinta.
Hindi naman lubusang tinatalikuran ni Hero ang kanyang pag-aartista. Kapag may magandang role ay willing siyang umarteng muli.
Billy inuubos ang oras kay Coleen
Mukhang nakatagpo na rin ng katapat ang isa ko pang alaga na si Billy Crawford sa nobya niyang si Coleen Garcia. Sila talaga siguro ang itinakda ng kapalaran. Parang pelikula nina Angelica Panganiban at JM de Guzman. Bagaman at may pumuna na halos inuubos na ni Billy ang kanyang panahon sa pagsama-sama kay Coleen, wala namang masama dun kapag hindi naman naapektuhan ang kanyang trabaho. Walang puwedeng makasama ang nobya niya kaya kanino pa ito aasa, kundi sa nobyo niya.
Ang maganda sa kanila, nagagawa nilang advantageous ang kanilang pagsasama. Nai-enjoy nila yung paborito nilang sports. Nakakapag-bonding pa sila. At kapag may mga desisyon na kailangan gawin si Coleen, andyan si Billy para umalalay.
Hindi naman stage boyfriend si Billy na nakasisira sa diskarte ni Coleen. Suwerte nga ni Coleen meron siyang alalay na bukod sa guwapo na ay talagang concerned sa kanya.
Julia nakabawi sa masamang imahe
Tuluyan nang gumanda ang imahe ni Julia Barretto nang maging maganda rin ang pagtrato niya sa kanyang amang si Dennis Padilla. Hindi na sana nadamay pa ang karir niya kung hindi lamang niya tinangkang ilayo ang sarili niya sa ama, at lalo na nang pagpasyahan nilang ilaglag ang apelyido nito.
Mortal sin ‘yun sa ating mga Pilipino na binibigyan halaga ang kahalagahan ng pamilya, magkakasama man sila o hindil.