Dahil siguro pareho nang walang karelasyon sina Paulo Avelino at Jasmine Curtis Smith kung kaya kahit minsan lang silang makitang magkasama ay binibigyan na ng malisya.
Kung sabagay, wala namang masama kung totoo man ito.
Pero wala nga bang ibang dahilan ang paglabas nilang magkasama? Sa isang panayam ay nagalit pa si Paulo at sinabing hindi lahat ng nakikita’t nababasa ng tao ay dapat nilang paniwalaan.
May ginagawa raw pelikula ang dalawa sa Regal kung kaya sila magkasama. At kung magligawan man sila, may masama ba?
Wala naman silang karelasyon ngayon. Si Paulo ay hindi pa man umaamin sa relasyon nila ni KC Concepcion ay sinasabing break na raw ang dalawa. Si Jasmine naman ay nagsabing hiwalay na sila ni Sam Concepcion.
Sharon umamin na hindi pa pang-artista ang katawan!
Bagaman at wala pang katiyakan dahil Your Face Sounds Familiar pa lamang ang show na pinirmahan ni Sharon Cuneta sa ABS-CBN, may malaki nang tsansa na magkasama sa isang proyekto ang come backing star at anak niyang si KC Concepcion.
Baka makasama pa nila si Gabby Concepcion na maituturing na isang acting coup dahil isang pamilya ang tampok. It will take Sharon another 15 lbs. less para mapapayag na gumawa ng serye o pelikula man lamang. Katwiran niya, hindi pa pang-artista ang katawan niya.
Maraming pinasaya si Sharon sa pag-amin na hindi niya papasukin ang pulitika. Matagal na raw ang balitang ito na ayaw niyang patulan dahil mas may impact siya sa showbiz kaysa sa pulitika.
AiAi, Iza at Alex inisnab ang awards night nang malaman na hindi mananalo
Ang dami rin artista na kapag hindi nakatunog na mananalo ay hindi sumisipot sa awards night. Katulad na lamang nang nangyari sa katatapos na 31st Star Awards for Movies.
May production number si AiAi delas Alas pero nang ma-realize siguro na wala naman siyang nominasyon ay nagpasyang huwag nang tanggapin ang naka-assign sa kanyang production number.
Wala rin si Iza Calzado na isa sa mga host ng nasabing awards night. Nominee si Iza sa Best Supporting Actress category, pero no show ang aktres. Dahil ba nabalitaan niya na hindi siya matunog sa mananalo sa nasabing kategorya? Magaling siya sa Starting Over Again pero mas magaling ang mga role nina Gretchen Barretto at Sylvia Sanchez sa The Trial.
No show din si Alex Gonzaga na ka-showdown sana ng sister niyang si Toni Gonzaga sa finale number.
Deniece trying hard magpaka-showbiz
Marahil hindi sinadya, pero naka-penetrate na si Deniece Cornejo sa showbiz sa ginawa niyang pagdalo sa katatapos na Star Awards for Movies bilang date ng sikat na abogadong si Atty. Ferdinand Topacio.
Hindi naman itinanggi ng abogado na papasukin nga ni Deniece ang pag-aartista, pero hindi agad-agad. Baka sinubukan pa nila kung tatanggapin na ng tao si Deniece matapos ang malaking kontrobersya na naganap sa pagitan nila ni Vhong Navarro.
Maganda naman kung tutuusin si Deniece. ‘Yung acting naman, kung wala siya, ay mapag-aaralan.
Pero acceptance muna ng general public ang kailangan niyang makamtan.
Arjo ‘naanakan’ si Denise!
Bibida sa Maalaala Mo Kaya (MMK) ng ABS-CBN sina Denise Laurel at Arjo Atayde sa Sabado (Marso 14). Gaganap sila bilang Andrea at Jason, ang magkasintahang overseas Filipino workers sa Saudi Arabia na agarang nagpakasal dahil sa hindi planadong pagbubuntis.
Sa kabila ng pag-abandona sa kanya ni Jason nang ipanganak niya ang kanilang baby, nakipagkasundo pa rin si Andrea sa kanyang asawa sa pag-asang makabubuo sila ng masayang pamilyang matagal na niyang pinapangarap.
Ngunit mababago ang lahat nang matapos ang apat na taon, ay natuklasan ni Andrea ang lahat ng kasinungalingan ni Jason kabilang na ang kasal nilang matagal na palang annulled.