Nagkakamabutihan na raw ngayon sina JC De Vera at LJ Reyes. Dating kasintahan ni Paulo Avelino ang aktres at nagkaroon din sila ng isang anak. Wala naman daw problema kay Paulo ang pagkakaroon ni LJ ng bagong karelasyon. “Parang sa akin, it’s all about happiness. Kung saan masaya si LJ or kahit si JC. Kahit sino pang piliin nila basta maging masaya sila,” bungad ni Paulo.
Samantala, may bulung-bulungan na nagkahiwalay na diumano ang aktor at si KC Concepcion. Hindi na raw kasi masyadong nakapag-uusap at nakapagsasama ang dalawa ngayon. “Ha? Parang wala pa namang inaamin na naging kami, break kaagad? Hindi naman siguro nagbe-break ang magkaibigan,” natatawang pahayag ng aktor. “Nag-uusap naman kami,” giit pa ni Paulo.
Kamakailan ay naging kontrobersyal din ang post ng aktor sa kanyang Instagram account na ‘They ain’t gonna bring me down’. Wala naman daw pinatatamaan ang aktor tungkol dito.
Jam sa casino raw malamang nakuha ang lung cancer
Ngayong araw ay nakatakda nang ihatid sa kanyang huling hantungan sa Manila Memorial Park-Parañaque ang YouTube sensation na si Jam Sebastian. Pumanaw ang 28 years old na binata noong Miyerkules dahil sa ilang buwan din nitong pakikipaglaban sa lung cancer.
Halos hindi pa rin daw matanggap ng inang si Maricar Sebastian ang sinapit ng anak. “Hindi niya kasi deserve ‘yung namatay siya na naghirap. Okay lang sana kung namatay siya ng hindi man lang nagbago ‘yung mukha niya. ‘Yung sobrang pinahirapan siya, ‘yun ang hindi ko ma-take,” emosyonal na pahayag ni Maricar.
Maaaring ang second-hand smoke daw ang naging pangunahing sanhi ng sakit ni Jam ayon sa ina. “Kasi mayroon siyang two days na nasa casino na walang uwian. Hindi ko alam ‘yon. That time akala ko nasa bahay lang siya ng girlfriend niya,” kuwento ni Maricar.
– Reports from JAMES C. CANTOS