May masama ba kung ang isang kilalang personalidad ay magpasyang magpakasal at ang isusuot niyang wedding gown ay binili lamang niya off the rack sa isang mall, at nagkakahalaga lamang ng P799?
Marami siguro ay magugulat lamang dahil kayang- kaya ni Kitchie Nadal, ang rock singer na nagpasikat ng awiting Huwag na Huwag Mong Sasabihin na magpagawa ng isang designer’s wedding gown, pero wala sa isusuot niya ang kahalagahan nang naganap na pagpapakasal niya sa isang Ispanyol na nagngangalang Carlos Lopez na naganap sa Hacienda Isabela sa Tagaytay nung February 26 kundi sa pag-iisa ng kanilang mga puso.
Sa rami ng mga kilalang personalidad na nagpapakasal ngayon, makukuha ba ng sikat na rakista ang atenyon ng marami kung nakipagsabayan lamang siya at nakipag-kumpitensya sa pabonggahan ng kasal at damit pangkasal?
Sa ginawa niyang pagpili ng isang simpleng wedding gown sa kanyang kasal, ngayon lahat ay interesadong makita kung gaano ba kasimple at kaganda ang isang wedding dress na wala pang isang libo ang halaga. Sa kasal niya, walang nakabatid ng halaga ng isinuot niya. Pero nagandahan sila sa kabuuan ng itsura niya na mas pinaganda pa ng kasiyahan na nadama niya sa piling ng lalaking pinili niyang maging asawa. Maligayang bati. Kitchie.
Isabelle Daza, nagsisimula nang magpasikat sa aktingan
Marami ang gugulatin ni Isabelle Daza kapag ipinalabas na ang kauna-unahang paglabas niya sa isang episode ng Maalaala Mo Kaya ng Kapamilya Network bukas ng gabi sa ABS-CBN.
Sino ang mag-aakalang makakayang makipagsabayan ng anak ng isang Miss Universe sa matinding drama kahit pa may kasama siyang isa ring magaling na kabataan na tulad ni Miles Ocampo, at nina Belle Mariano, Althea Guanzon, Snooky Serna, Allan Paule, Ryan Ramos, John Sevilla, Raquel Monteza, Nathan Lopez, at Bea Basa.
Ang kauna-unahang MMK ni Isabelle ay tungkol sa magkapatid na Myra (Isabelle) at Thelma (Miles) na ang samahan ay magkakalamat habang lumalaki dahil sa mga kinimkim na galit at selosan sa atensyong ibinibigay ng kanilang mga magulang. Ngunit magbabago ang lahat nang ma-diagnose si Myra na may malubhang sakit sa bato.
Max hindi na lang basta palaban
Ngayon pa lamang magsisimulang mapanood ang mga nakakikiliting love scenes nina Geoff Eigenmann at Empress Schuck sa Kailan Ba Tama ang Mali sa GMA Telebabad. Ngayon lang talaga nagtaksil ang character ni Geoff sa kanyang asawang si Amanda na ginagampanan ni Max Collins na dati nang umaagaw ng pansin ng manonood sa biglang pagbabago ng kanyang imahe from plain to a sexy wife.
Sa ginawa niyang pagbibilad ng kanyang kagandahang pisikal sa isang men’s magazine, ang FHM na binigyan pa ng malaking launching naipamalas ng Kapuso actress na kaya rin niyang makipagsabayan sa maraming aktres hindi lamang sa pahusayan sa pagganap kundi sa pagandahan ng katawan.