Kung kelan magtatapos na sa ere ang hit TV drama series na Two Wives na tinatampukan nina Erich Gonzales, Kaye Abad, at Jason Abalos ay saka naman pumasok sa serye ang character ni Dina Bonnevie bilang ina ni Janine, ang papel na ginagampan ni Erich.
Kung matatandaan pa, si Dina ang original star ng pelikulang Katorse na ni-remake sa telebisyon ni Erich. Nangyari ang reunion ng Katorse stars sa tinututukang serye ng mga manonood na magtatapos na on March 13.
Nalulungkot man sa nalalapit na pagtatapos ng Two Wives ay masaya ang cast at production staff dahil sa consistent na mataas na ratings ng programa.
Maja inaral pa ang paggiling ng isang club dancer
Na-elevate na rin si Maja Salvador sa pagbibida sa isang teleserye sa pinakabagong primetime program ng ABS-CBN, ang Bridges of Love na magsisimula nang mapanood sa ere on March 16.
Matapos siyang gumanap na other woman sa The Legal Wife na pinagsamahan nila nina Angel Locsin at Jericho Rosales, ang character naman ni Maja bilang si Mia ang magiging sentro na pag-aagawan ng magkapatid na Gael at Carlos na ginagampanan nina Jericho Rosales at Paulo Avelino.
Samantala, inamin ni Maja na kahit mahusay siyang dancer, kakaiba ang giling ng isang club dancer na kailangan din niyang aralin.
Kapag kinukunan ang kanyang mga eksena sa loob ng club, tanging ang mga taong involved sa eksenang `yon lamang ang nasa loob. Bawal ang mga miron.
Edu bumalik sa pinagmulan
Balik-Kapamilya ang TV host-actor na si Edu Manzano matapos itong mag-ikot sa Kapuso at Kapatid Network. Si Edu ay kasama sa cast ng Bridges of Love na pinagbibidahan nina Jericho Rosales, Maja Salvador, at Paulo Avelino kung saan din tampok sina Carmina Villarroel, Max Eigenmann, Maureen Mauricio, Lito Pimentel, John Manalo, Janus del Prado, William Lorenzo, Joross Gamboa, Malou de Guzman, at balikbayang si Antoinette Taus. Ito’y sa magkakatulong na direksiyon nina Dado Lumibao, Will Fredo, at Richard Somes.
“I have always considered myself a Kapamilya,” deklara ng TV host-actor turned restaurateur na si Edu.