Kahapon ang 63rd birth anniversary ni Rudy Fernandez at hindi siya nakalimutan ng mga nagmamahal sa kanya, ng pamilya at mga kaibigan.
Kung nabubuhay si Daboy, tiyak na kasama siya kahapon ni Senator Bong Revilla, Jr. sa pagdalaw kay Jolo Revilla sa Asian Hospital and Medical Center.
Pihado na araw-araw din ang pagdalaw niya kina Bong at Jinggoy Estrada sa Camp Crame.
Noong nakulong si Papa Jinggoy sa Veterans Memorial Medical Center, walang palya ang pagdalaw sa kanya ni Daboy, as in halos araw-araw ang pagbisita nito sa best friend niya.
Kaya nang pumanaw si Daboy, sobrang affected si Papa Jinggoy dahil parang magkapatid na ang turing nila sa isa’t isa.
Kung alive pa si Rudy, ito ang sure na sure na first caller ko sa telepono tuwing umaga dahil makikibalita siya sa mga nangyayari sa showbiz, lalo na kung may mga malalaking eskandalo at kontrobersya.
Bong napakahirap ng sitwasyon
Ang good news na pinayagan si Bong ng Sandiganbayan na dumalaw kay Jolo ang unang balita na natanggap ko kahapon ng umaga.
Never na pumasok sa isip ko na hindi papayagan si Bong ng Sandiganbayan na umalis sa PNP Custodial Center.
Napakahirap ng sitwasyon ni Bong dahil hindi niya agad napuntahan si Jolo sa ospital noong Sabado.
Bilang ama na mapagmahal sa kanyang mga anak, normal na naapektuhan si Bong sa nangyari kay Jolo.
Bumisita rin ako kahapon kay Jolo pero nauna na kaming pumunta sa Asian Hospital ni Gorgy Rula.
Naabutan namin sa ospital ang mga miyembro ng media na naghintay sa arrival ni Bong.
Hindi umalis ang mga reporter hanggang hindi rin umaalis si Bong na first time na nakita si Jolo matapos mangyari ang insidente noong Sabado.
Mga nakasaksi sa pagkikita nina Jolo at Sen. Bong sa ospital hindi rin napigilang maluha
Maramdamin ang pagtatagpo ng mag-ama nang magkita sila kahapon.
Naging emosyonal si Jolo nang makaharap niya ang kanyang ama. Hindi tuloy napigilan ng mga tao sa paligid na mapaluha sa eksena na na-witness nila.
Malaking bagay para kay Jolo ang pagdalaw sa kanya ni Bong na idol na idol niya. Kumbaga sa pader, si Bong ang sandalan ni Jolo kaya sinusundan nito ang yapak ng ama mula sa showbiz hanggang sa pulitika.
Nalaman ko na lang na lumabas ang litrato ng pagtatagpo nina Bong at Jolo, courtesy ng magaling na spokesman na si Atty. Raymond Fortun.
‘Walang puwedeng magdikta sa akin kung sino ang paniniwalaan ko’
May nagparating sa akin ng balita na imbyerna raw sa akin ang isang showbiz personality dahil kinampihan ko ang kanyang future ex-dyowa.
So what? As if naman affected ako. Hindi ko babawiin ang suporta ko sa future ex-dyowa dahil hindi talaga ako naniniwala sa mga paninira sa kanya. Walang puwedeng magdikta sa akin kung sino ang paniniwalaan ko.