MANILA, Philippines - Maglalaban-laban na ang apat na boses at pinakamagagaling na artists ng Season 2 ng The Voice of the Philippines sa inaabangang Live Showdown ng programa ngayong Sabado at Linggo (Feb 28 at Mar 1) ng gabi sa ABS-CBN.
Sino kaya ang papanigan ng publiko na makakatanggap ng pinakamataas na porsiyento ng mga boto para tanghaling grand winner kina Alisah Bonaobra ng Team Apl, Jason Dy ng Team Sarah, Rence Rapanot ng Team Bamboo, at Leah Patricio ng Team Lea?
Kasabay ng mga preparasyon ng apat na artists ay ang aktibo ring pangangampanya ng bawat coach lalo na sa social media para iboto ng mga manonood at tagasuporta ang kanilang mga pambato.
Handa nang ipaglaban nina Alisah, Jason, Rence, at Leah ang kanilang mga pangarap lalo pa’t ang magwawagi sa season na ito ay mag-uuwi ng trophy na dinisenyo at ginawa ng artist na si Leeroy New, house and lot na nagkakahalagang P2 milyon, isang music instrument package (P100,000), shopping spree at Asian tour package (P350,000), isang business package (P1 milyon), isang bagong kotse (P1 milyon), isang recording at management contract sa MCA Music, at P2 milyong cash.
Sa ultimate laban ng boses ngayong weekend, kaabang-abang din ang makatindig-balahibong performances na ihahain ng special guests na sina Jed Madela, Charice, Joey Ayala, at Dulce.