PIK: Kahapon ibinigay ni Ogie Alcasid ang kabuuan ng kanyang talent fee sa nakaraang MuSIKATin concert na ginanap sa Philippine Arena.
Apat na pamilya ng Brave 44 ang nakaharap ni Ogie sa Camp Bagong Diwa kahapon para tanggapin ang donasyon para sa kanila mula sa talent fee ng singer/songwriter.
Sabi ni Ogie, maliit lang naman daw ang halagang iyun na binigay kaya nakiusap pa siyang tulungan natin ang mga pamilyang naiwan ng ating Brave 44.
Sabi niya sa kanyang Instagram account; “Met today with 4 families of #Brave44. Heard their stories, offered a song and a little help. TY Lord for the provision. Let’s continue to help.”
PAK: Nilinaw ni Judy Ann Santos ang isa pang kumalat na isyung may kinalaman daw si Kris Aquino sa pagtatapos ng kanyang Bet on Your Baby.
May lumabas na intrigang napaaga raw ang pagtatapos ng taping ng Bet on Your Baby nung kainitan ng isyu nina Juday at Kris. Kaya naintriga tuloy na may kinalaman si Kris sa pagkatsugi ng programa niya bilang napapag-usapan kung gaano raw ka-powerful si Kris sa Kapamilya network.
Saad ni Judy Ann sa launch ng bagong infomercial ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB); “Unfair naman kay Kris na isinabit siya dun sa isyu. Hindi po totoo na konektado si Kris Aquino sa pagkawala ng Bet on Your Baby. It’s the management’s decision. It was decided two weeks before the incident happened.
“It’s unfair na nakakonekta pa rin siya kay Kris sa part na ‘yun.”
BOOM: Ayaw nang pansinin ni Benjie Paras ang huling patutsada ni Jackie Forster sa kanya.
Mahaba ang nilitanya nito sa kanyang Instagram account at pinik-ap ng ilang reporters.
“Mag-move on na tayo. Ayoko na sagutin ‘yan,” pakli ni Benjie.
“Ang inaalala ko lang kasi, ang mga bata na ang apektado at natutukso eh,” sabi pa niya.
Sana iyon na lang daw ang iniisip ni Jackie, lalo na’t gumaganda ang career ni Andre Paras sa showbiz, at si Kobe Paras naman ay may promising career din sa basketball sa Amerika.