You’d think na susunggaban agad ni Geoff Eigenmann ang tsansa na makasamang muli sa isang proyekto ang ex niyang si Carla Abellana. Hindi naman kasi kaila sa marami na siya ang lubos na nasaktan sa hiwalayan nila ng aktor. Pero hindi, ayaw niyang makasama sa isang trabaho si Carla!
May trabaho naman siya na mapagbubuhusan ng panahon at pag-iisip. Hindi naman siya bano sa pag-arte para ‘di mabigyan ng mga roles tulad ng ipinamamalas niya sa Kailan Tama ang Mali kung saan pilit inagaw sa kanya ni Dion Ignacio ang asawa niyang si Max Collins.
Kris at Boy sasaluhin ang gastos ni Nora para gumaling
Wala nang dahilan si Nora Aunor para hindi balikan ang kanyang pagkanta ngayong inaako na nina Boy Abunda at Kris Aquino ang bayarin sa gagawing operasyon sa kanyang lalamunan sa U.S. Hindi nga makapaniwala ang Superstar na inakalang binibiro lamang siya ng dalawa, until seryosohin siya ni Kris at sabihin na totoo ang sinasabi nila. Na ito ang gagastos ng pamasahe niya at si Boy naman ang bahala sa kanyang operasyon. Gagawin nila ito para lamang mabalikan niya ang trabaho kung saan ay una siyang nakilala.
Tama lang na tanggapin ni Nora ang tulong at huwag nang pairalin ang kanyang pride since wala namang masamang motibo ang dalawa sa pagtulong sa kanya. Gusto lang nilang mabalikan niya ang pagkanta para makumpleto na ang pagiging artista niya.
James at Nadine mas lamang sa ibang loveteam
May malaking kalamangan ang tambalang James Reid at Nadine Lustre sa mga kalaban nilang loveteams. Napakabilis ng paglago ng kanilang fans and following at bukod sa nakakaarte silang dalawa ay marunong pa rin silang kumanta. ‘Di lang pagpapa-cute ang ginagawa nila kapag humaharap sila sa tao, talagang napapasaya nila sila sa pamamagitan ng pagkanta ng live. Nominated ang dalawa sa MYX Music Awards para sa kanilang album. Up sila against Yeng Constantino, Gloc 9, at Sarah Geronimo. Habang abala ang Kathniel sa promosyon ng kanilang post-Valentine movie na Crazy Beautiful You, naghahanda na rin ang JaDine sa kanilang first ever teleserye, ang On the Wings of Love.
Celia Rodriguez at Maryo delos Reyes may bigating recognation sa Star Awards
Season na naman ng Star Awards for Movies. Magaganap ang awarding nito sa March 8 sa The Theater ng Solaire Resort and Casino. Ika-31st na ito ng PMPC (Philippine Movie Press Club) na magbigay parangal sa mga taga-pelikula. Si Celia Rodriguez ang napili para tumanggap ng Nora Aunor Lifetime Achievement Award; si Maryo J. delos Reyes naman ang Ulirang Alagad ng Pelikula sa Likod ng Kamera.
Nominado bilang Movie of the Year ang Trophy Wife, The Trial, The Gifted, Starting Over Again, Bonifacio, Ang Unang Pangulo, English Only, Please, at ang mga direktor ng mga nasabing pelikula na sina Andoy Ranay, Chito Roño, Chris Martinez, Olivia Lamasan, Enzo Williams, at Dan Villegas.