Pasosyal na female TV personality hindi pa rin maungusan ang kinaiinggitang kasamahan sa trabaho!

Hanggang ngayon ay itinuturing pa ring magkakontra-pelo ang dalawang pamosong babaeng personalidad ng telebisyon. Sa kanilang hanay ay inaabangan palagi ang kanilang pagtatagpo, nakaabang ang kanilang mga kasamahan kung magbabatian sila, pero laging nabibigo ang mga miron.

Malalim ang pinag-ugatan ng hidwaan ng dalawang female TV personalities. Nagsimula ‘yun sa mga tsismis lang, hanggang sa mapatunayan ni Female TV Host A na inuupakan siya nang talikuran ni Female TV Host B, mula nu’n ay parang wala na silang nakikita kapag nagkukrus ang kanilang daan.

Sabi ng isang source, “Matindi kasi ang inggit ni ____(pangalan ni Female TV Host B), insecure siyang masyado kay ____(si Female TV Host A), nakikipagkumpetensiya kasi siya.

“Dahil hindi nga siya makaungos at ibinibigay sa kinaiinggitan niya ang malalaking news, palagi na niyang sinisiraan si Female TV Host A,” pagkukumpara ng aming impormante.

Kung simple lang ang buhay ni Female TV Host A ay nagpapakabongga naman si Female TV Host B. Mas gusto ng una ang mag-gardening, kaligayahan na niya ang gambulan-alagaan ang kanyang mga halaman, pero si Female TV Host B kapag may libreng panahon ay mahilig makipagsosyalan.

Pero hindi ito basta nakikipagbungguang-siko sa kung sinu-sino lang, piling-pili ang kanyang kinakaibigan, kailangang kilalang-kilala sa alta sosyedad ang sinumang kakaibiganin nito dahil social climber nga ang imaheng meron si Female TV Host B.

Impormasyon uli ng aming source, “Naku, huwag na siyang mag-effort, milya-milya na ang layo sa kanya ng kinaiinggitan niyang katrabaho. Pauwi na ‘yung isa, pero papunta pa lang siya. Makipagnomohan (read: makipag-inuman) na lang siya sa mga kakilala niyang shala (read: sosyal)!”

Ubos na ubos!

Kahit ipinagtanggol na ng network at ni Kim, Xian nega pa rin ang dating

Pati si Kim Chiu na wala namang kinalaman sa ginawang pagmaldito ni Xian Lim sa Albay ay nakakatikim ngayon ng pagkastigo ng ating mga kababayan sa social media.

Ang sabi kasi ni Kim, na karelasyon daw ni Xian kahit wala namang naniniwala, ay hindi raw dapat agad-agad na humuhusga ang mga taong wala naman sa mismong pangyayari.

Natural lang na idepensa ni Kim si Xian dahil sa kanilang loveteam, alangan namang ito pa ang magdiin sa supladong aktor, ‘di lalong tumimbuwang sa kanyang upuan ang hunk actor na ginagawa nang pulutan ngayon sa social media?

Nagtangkang isalba ng kanyang network si Xian, isang magandang hakbang ‘yun, pero talung-talo si Xian sa pag-oopinyon ng mas nakararami dahil hindi lang naman ito ang unang pagkakataong nagpalutang ng hindi kagandahang ugali ang binata.

Matagal nang kuwento ang kanyang kaangasan, ilang beses na ba siyang nauupakan dahil sa pagsusuplado niyang wala sa lugar, kaya labhan man nang labhan ng kanyang istasyon ang imahe ni Xian ay para lang silang nagsalita sa mga bingi.

Dahil sa senaryong ito ay kailangan nang mag­nilay-nilay ng aktor na sa totoo lang ay wala pa namang napatutunayan sa pag-arte, kanyang-kanya na nga ang proyekto ay umaalpas pa, dahil magiging malaking cause of delay lang siya sa trabaho. Reaksiyonaryo lang ang tao. Kung ano ang binitiwan mo ay ‘yun din ang ibabalik sa iyo.

 

Show comments