Daig ng maagap ang masipag. Gagawa ng pelikula si ER Ejercito tungkol sa Fallen 44 ng PNP-SAF at dedma siya sa mga negative comment ng mga tao.
Masyadong maaga pa para gumawa si ER ng pelikula na isasali niya sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2015.
Pero malay natin, baka hindi naman intended for MMFF ang pelikula na pagpupugay niya sa mga namatay na pulis sa Mamasapano massacre.
May oras si ER para gumawa ng pelikula mula nang iwanan niya ang kanyang puwesto bilang gobernador ng Laguna. Baka magulat na lang tayo kapag nalaman natin na tapos na pala ang shooting ng project niya at ready na ito for showing.
Papa Joey sobrang nainsulto ni Xian
Personal kami na magkakilala ni Albay Governor Joey Salceda at ng kanyang Chief of Staff na si Atty. Carol Sabio-Cruz dahil ilang araw kami na magkasama sa Albay noong April 2013.
Asikasung-asikaso kami ng mga kasama ko nina Papa Joey at ni Atty. Carol kaya muntik na akong mag-migrate noon sa Albay ‘no!
Likas ang kabutihan, hindi lamang nina Papa Joey at Atty. Carol, pati na ng mga residente ng Albay kaya nagulat ako sa isyu nila kay Xian Lim.
Para mag-emote sina Papa Joey at Atty. Carol, tiyak na nainsulto sila sa inasal ni Xian na nag-dialogue ng “I’m not here to promote Albay” nang i-abot sa aktor ang Albay T-shirt at coffee table book.
Hindi naman magsisinungaling sina Papa Joey at Atty. Carol dahil walang-wala sa tipo nila na babastusin ang bisita na mismong sila ang nag-imbita.
Pati ang mga mamamayan ng Albay, imbyerna kay Xian dahil sa pagmamaldito raw nito.
Humingi na si Xian ng paumanhin kay Papa Joey pero hindi nito tinanggap dahil nagsinungaling daw ang aktor sa statement na inilabas nito.
Inimbita si Xian sa Fiesta Tsinoy ng Albay. Puwede naman kasi na ako na lang ang inimbitahan dahil puwedeng-puwede ako na magpanggap na Filipino-Chinese. Madali lang kaya na gawin na singkit ang mga mata ko. Isang tawag ko lang kay Bambbi Fuentes, magiging instant Chinita na ako.
Xian gustong ipa-ban sa Albay!
May mga nag-uudyok kay Papa Joey na ideklara na persona non-grata si Xian sa Albay.
Inaabangan ang magiging desisyon ni Papa Joey, pagbibigyan ba niya ang public clamor na i-ban sa Albay si Xian o hindi?
Dahil sa insidente, naungkat ang ibang mga isyu na kinasasangkutan ni Xian.
Gov. Salceda asikasung-asikaso ang mga bisita
Na-miss ko tuloy ang ilang araw na pagbabakasyon namin noon sa Albay at ang mainit na pagtanggap sa amin ng Albayanons.
Asikasung-asikaso kami ni Papa Joey at ng kanyang mga tauhan. Never na nakaranas kami ng gutom habang nasa Albay dahil maya’t-maya, nagyayaya si Papa Joey at ang kanyang staff na kumain kami.
Dinala rin kami ni Papa Joey sa Misibis Bay na isa sa mga top resort sa Pilipinas. Kailan kaya mag-iimbita sa Albay si Papa Joey para maranasan ko uli ang hospitality niya at ng kanyang mga kababayan?
Isa si Papa Joey sa mga pinakamagaling na gobernador ng ating bansa. Ang dami-dami niyang alam tungkol sa pagpapatakbo at pagpapaunlad ng bansa noong nagkukuwentuhan kami. Kung ang lahat ng mga public servant eh katulad ni Papa Joey, ang unlad-unlad na ng Pilipinas.