MANILA, Philippines - Matagumpay ang Happy Network TV5 sa paghahatid ng saya at ligaya sa mga iba’t ibang barangay sa Cebu at Davao sa nakalipas na HappyLipinas events noong nagdaang mga linggo.
Mainit ang naging pagtanggap ng mga Cebuano at Davaoeños sa mga Kapatid stars sa unang ratsada ng HappyLipinas barangay events sa rehiyon. Ang ibang mga Kapatids ay dumayo pa mula sa mga malalayong lugar para lang makasulyap at makisaya kasama ang kanilang mga iniidolong artista ng Happy Network.
Libu-libong katao ang dumumog sa mga nasabing event, patunay lamang ng lumalakas na presensya ng TV5 sa Visayas at Mindanao. Muling ipinakilala ng HappyLipinas tours sa mga manonood ang mga bagong daily at weekend programs ng Happy Network: Hi-5, Happy Wife Happy Life, Solved Na Solved, Healing Galing sa TV, Extreme Series: Kaya Mo Ba ‘To?, 2 ½ Daddies, Call Me Papa Jack, Move It: Clash of The Streetdancers, at Mac & Chiz. Sa huli, hindi lamang nakisama sa saya’t ligaya ang mga manonood sa kanilang mga paboritong artista dahil umuwi rin silang may bitbit na mga papremyo mula sa TV5.
At nitong Valentine’s weekend (February 14), siniguro ng TV5 na #HappySaValentines ang mga Kapatid sa Bacolod at Dumaguete kasabay ng back-to-back HappyLipinas events sa mga nasabing probinsya.
Personal na naghatid ng saya’t kilig si Ritz Azul sa Barangay Poblacion, Dumaguete, habang tinilian naman si Carl Guevara na nagpaligaya sa puso ng mga taga-Barangay Pacanohoy sa Bacolod City.
Kasama rin sa pagpapasaya sa Bacolod ang sikat na naturopathic expert na si Dra. Edinell Calvario ng Healing Galing na nagbigay ng libreng konsultasyon sa mga taga-roon. Bukod sa iba’t ibang pakulo, naghatid serbisyo-publiko ang News5 at ang Alagang Kapatid Foundation sa pangunguna ni Paolo Bediones ng Rescue5.
Sama-sama ring pinasaya ng TV5 ang mga manonood sa pamamagitan ng sikat na Happy Ball na nagdala ng swerte’t papremyo sa huling nakahawak nito.