Sa halip na ma-insecure sa kanyang bunsong anak na si Alonzo Muhlach, tuwang-tuwa pa ang dating Child Wonder na si Niño Muhlach sa pagsisimula ng Viva Films na gawing kapalit o kasunod niya ito. Balak ng kumpanya ni Vic del Rosario, sa pamamagitan ang kanyang anak na si Veronique del Rosario-Corpuz na pasikatin ang bata at kung maari ay higit pa sa kasikatan na tinamo ng kanyang ama noon.
Alonzo was presented to the media and was launched as their newest artist. Kasama sa launch, hindi lamang ang exec ng Viva kundi maging si Niño at ang asawa nito na first time nakita ng media. Wish ng lahat ay mamana ni Alonzo ang katangkaran ng kanyang ina at hindi ang pagiging bansot, (pardon the word), ng kanyang ama. Niño would have been a bigger star at nadala ang kanyang kasikatan sa paglaki kung naging matangkad lamang ito.
Kasama sa paraan ng pagpapasikat kay Alonzo ay ang pag-remake ng mga sikat na movies ni Niño tulad ng Kuwatog, Nognog, Enteng Anting, Peter Pandesal, Darna at Ding, Tatay Kong Nanay, at marami pang iba. Mayro’n na siyang ginagawang show sa ABS-CBN tulad ng Goin’ Bulilit at susundan ng Inday Bote. Natapos na rin siya ng taping ng Wansapanataym kasama sina Coco Martin at Julia Montes. Na-impress nang husto sa kanya si Coco kung kaya dinalaw siya nito sa taping ng Inday Bote.
Magsi-celebrate si Alonzo ng kanyang birthday sa February 22, sa Mowelfund Plaza, 4 n.h. February 19 ang talagang araw ng kapanganakan niya pero tatlong araw makaraan at saka siya magkakaro’n ng birthday celebration.
Darren mas may career kaysa sa nakatalong si Lyca
Si Darren Espanto ay siguradong may kapupuntahan sa larangan ng pagkanta dahil sa kanyang ipinamamalas na talento na habang nagtatagal ay lalong nagpapakita ng galing sa pagkanta. Galing siyang Canada at nakilala lamang nang sumali sa The Voice Kids. Hindi siya ang nanalo sa nasabing paligsahan, pero ang pagtangkilik na nakukuha niya sa fans ay mas marami pa kaysa sa mas nakababata at nagwagi na si Lyca Gairanod.
Hindi pa man nagtatagal pagkatapos ng The Voice Kids, agad siyang nakagawa ng dalawang album. Ang isa ay ang The Voice Kids The Album at ang pangalawa ay ang solo album niyang Darren mula sa MCA Records. Carrier single nito ang isang kanta na ginawa para sa kanya ni Vehnee Saturno na pinamagatang In Love Ako sa Iyo. May tatlo pang kanta si Vehnee sa album, ang My Girl, Ewan Ko, at Basta Gusto Kita. Kasama rin sa album ang kanta na ginamit niya sa audition ng The Voice Kids, ang Domino at iba pang kanta ng mga foreign artists. Available ito for downloads sa pamamagitan ng Spinnr.ph at iTunes.
Dina binilinan ng kapatid na alagaan ang mister
Bibigyang-buhay ng award-winning actress na si Dina Bonnevie ang mga karakter ng identical twins na sina Eunice at Febie sa family drama episode ng Maalaala Mo Kaya ng ABS-CBN ngayong Sabado (Pebrero 21).
Matapos mamuhay sa Malaysia sa loob ng maraming taon, kinailangang bumalik sa Pilipinas ni Febie para sa pagpapagamot ng kanyang colon cancer at gawin ang plano niyang muling makapiling ang kanyang pamilya, lalo na ang kanyang kakambal na si Eunice, isang balo, na pinakiusapan niyang bantayan ang kanyang pamilya kapag siya ay pumanaw na.
Sa pagpanaw ni Febie, sinikap ni Eunice na tuparin ang kanyang pangako sa kakambal, kabilang ang pagdamay sa asawa ng kapatid na dumanas ng labis na kalungkutan.
Ano’ng gagawin ni Eunice sa sandaling mahulog ang loob niya sa asawa ng kanyang kakambal? Kakayanin ba niya ang panghuhusga ng mga taong nakapaligid sa kanila?
Ito ay sa ilalim ng direksyon ni Raz De La Torre at panulat ni Rose Colindres.
Boy kinaiinggitan sa pagiging kaibigan ni Kris
Nakaka-touch ‘yung napanood kong video ni Kris Aquino kung saan ay binabati niya ang kaibigang si Boy Abunda. Hindi lamang good health ang wish niya para sa kaibigan kundi ang isang mahabang buhay. Marami ang nag-wish na sana ay kaibigan din nila ang presidential sister dahil sa hiling nito. At kung may mamatay man sa kanilang dalawa, sana raw ay hindi ito mauna sa kanya. Ewan ko sa inyo, pero ako touched ako sa wish niya.
JM kasali na sa ASAP
Maski si JM de Guzman siguro ay surprised sa atensyon na muling ibinibigay sa kanya ng kanyang supporters. Biruin mo, hindi lamang niya nabalikan ang kanyang pag-aartista, nabalik din ang friendship nila ng ex niyang si Jessy Mendiola na isa sa binibintangang dahilan ng kanyang pagbibisyo.
Lumalabas na sila, pero hindi raw date ‘yun dahil wala pang balikan na nagaganap sa kanila. Pero isa sa pinakamalaking karagdagan sa kanyang pagiging aktibong muli ay ang pagkakasali niya sa ASAP bilang singer. Kumakanta na dati si JM pero first time niya na mabigyan ng tsansa na makabilang sa isang musical show.
Napakalaking pogi point sa isang aktor ang marunong kumanta at tumugtog ng gitara. ‘Yung kasikatan ng movie nila ni Angelica Panganiban na That Thing Called Tadhana sa takilya ay hindi maibibigay ng buo ang credit kay Angelica. Malaki rin ang share ni JM dahil lumabas na may chemistry sila ng magaling na aktres.